Lyrics & Beats

by Sankage Steno

Bakit gano’n? Ansaya-saya nung tugtog, ta’s anlungkot pala nung lyrics. Ngayon ko lang napakinggan nang masinsinan yung Together Again ni Janet Jackson. Hindi pala masaya yung message ng kanta. I mean, positive s’ya. Hopeful, even. Pero patungkol pala yun sa patay n’yang loved one.

Eto, pakinggan mo.

Napapaindak na ‘ko rito sa office desk ko e, ta’s nawawala-wala na yung antok ko. Yumuyugyog na yung ulo at balikat ko. Hanggang sa napakinggan kong mabuti yung sinasabi sa lyrics. Tsk. Napa-Google ako bigla. At tama nga yung dinig ko. Tungkol nga s’ya sa patay. Kaya pala Together Again. Umaasa s’yang magsasama ulit sila in the future… kapag patay na rin s’ya.

Naalala ko tuloy yung Dati na pinasikat nina Sam Concepcion at Tippy Dos Santos. Ansaya-saya rin ng beat nung song pero tragic pala yung love story nila. Pero ang ganda ng kanta, pramis. Good job, Thyro! Gawa ka pa ng maraming magagandang kanta, please.

Going back, pwedeng-pwedeng kantahin ni Janet yung Together Again para sa kapatid n’ya, kay MJ.

Side note: Gusto ko nga palang magpasalamat kay Michael dahil kanta n’ya yung nagpanalo sa ‘kin dati. At sa kung sino man yung gumawa ng kanta. Thank you sa inyo.

Kung gusto mong mabasa yung buong lyrics, click mo lang ‘to. Like I said, positive naman s’ya, pero yun nga, di ko inakalang para pala s’ya sa yumao n’yang mahal sa buhay. In fairness, magandang pampa-GV lalo na kung namatayan ka na. Sana lang maging ganun din ako ka-positive tulad n’ya sa mga mahal ko sa buhay na patay na.

Ini-imagine ko pa namang kinakanta ko s’ya sa videoke. Now things will never be the same again. Kapag kinanta ko s’ya, maiisip ko na yung mga patay sa ‘min. Baka sa halip na mapasayaw ako sa kanta e bigla akong humagulgol sa harap ng TV o sa taas ng stage. Hindi ko na lang s’ya kakantahin kapag wala ako sa mood.

Kakantahin ko na lang yung isa ko pang favorite na Janet Jackson song, yung The Best Things in Life Are Free. Ka-duet na d’yan si Luther Vandross. Grabe ‘no? Parehong magaling na singer. Kinanta ko pa ‘yang song na ‘yan dati sa Christmas party ng dati kong employer. Di pa ganun kaganda boses ko no’n. Nag-perform lang ako kasi ayokong tumanga lang sa party.

‘Yan, I’m sure, positive talaga yung message. Eto, panoorin at pakinggan mo na lang.