Deus ex machina

by Sankage Steno

Okey, so unti-unti nang nagiging Insidious/Conjuring yung buhay ko ngayon. At habang tumatagal, parang lalong nagiging papampam yung mga entities o elementals na nakapalibot sa ‘kin.

Kaninang madaling-araw, nagising na naman ako. Hindi ko na tinignan yung oras dahil alam ko na. As usual, mabigat na naman yung pakiramdam ko. Parang may nakapatong na malaking libro sa dibdib ko. Parang Bible o Webster, ganyan. Sabi ko sa isip ko, “And’yan na s’ya.”

I’m talking about the “something” na laging tumatambay sa kwarto ko kapag witching hour. Ako naman, dedmakels. Bahala ka d’yan, basta matutulog ako.

E papampam nga ampota.

Nagising na lang ako bigla dahil umaalog yung kama ko. As in nagshe-shake s’yang mag-isa. E hindi naman ako nakikipaglaro na ng Shake, Shake Shampoo (Mahal mo ba si Gabby? Yer or no?). Hindi ako dumilat. So nainis siguro sa ‘kin yung yumuyugyog ng kama ko. Lalo pa n’yang nilakasan. As in lindol level na parang gusto nang ibalibag yung kutson ko.

Putong ama!

E di syempre napadilat na ‘ko. Sino ba namang hindi pa gigising kung niyayanig na yung kama mo, di ba? Pagkadilat ko, naknampota, nakita ko s’ya. Ka-face to face ko yung yumuyugyog. Taragis lang, shet, pucha talagang gago ‘yan. First time n’yang nagpakita sa ‘kin. Syempre nagulat ako. Di ba sabi ko nga dati, di naman ako nakakakita?

Mali pala ako.

Dahil antok-antok pa ‘ko, baka mali yung nakita ko. Anino s’ya. Alam ko kasi nasa likod n’ya yung bintana at natatakpan n’ya yung kakarampot na liwanag na nagmumula do’n, so kitang-kita ko yung shape n’ya. At maligalig s’ya. Parang gusto n’ya kong dakmain o yakapin o sakupin whatever. So sabi ko sa isip ko, “Hindi ako takot sa ‘yo. Hindi mo ‘ko matatakot. Hindi pwede! Ayoko!”

Lumayo s’ya. Sabay dampot ko sa cellphone ko para ilawan s’ya. Pagkabukas ng phone, nakita ko yung oras: 3:30AM. Tinapatan ko ng liwanag yung “something.” Lalo kong nakita yung hugis ng anino. As usual, wala na namang mukha. Pero di tulad ng dati na kulay puting imahe yung nagpakita sa ‘kin, this time, itim s’ya. Kaya nga anino ang tawag ko.

Bumangon ako saka inabot yung switch ng ilaw. Pagkaliwanag, of course, gaya sa mga movies, nawala s’ya. Pero hindi nawala yung kaba at kilabot ko. Syempre hindi na ‘ko nakatulog until magkaliwanag. Buti na lang maagang sumisikat yung araw ngayon. May magic talaga ang bawat umaga, kaya sobrang thankful ako lagi kapag nagigising araw-araw.

Nakipag-chat na lang ako sa kaibigan kong online. In fairness naman, dinamayan n’ya ‘ko at nag-share ng pampa-good vibe. After one hour, mga 4:30, gumaan bigla yung pakiramdam ko. As in parang me nagtanggal ng Bible o Webster sa dibdib ko. Du’n na ‘ko nag-decide na magpatay ulit ng ilaw para matulog. Kinikilabutan pa rin ako, pero light na yung feeling. So wala na nga s’ya.

Hindi ko ngayon alam kung ano ang gagawin ko. Ito yung mga tagpo sa buhay na hindi naituturo sa school kaya dapat kong matutunan on my own. Dapat ko ba s’yang kausapin? I-entertain? Kalabanin? Tulungan? I-oversoul? Alam kong hindi ko s’ya pwede dedmahin. I ignored it for several nights, di ba nga? Tapos nanggising na ampota kanina. Ano kaya yung susunod n’yang gagawin? Paliliparin ako?

Taragis ‘yan.

Alam ko namang baka imagination lang ‘to at hindi totoo lahat. Pero given na hindi nga s’ya totoo at kathang-isip lang, alam ko yung naramdaman ko. Kung hindi man yumanig talaga yung kama, alam kong nagising ako talaga kanina. Totoong kinilabutan ako at kinabahan at natakot. Totoong bumangon ako. Totoong hindi ako nakatulog.

Kung hindi nga totoo yung nangyari kanina, totoo naman yung “pagdurusa” ko. The struggle is real, man. Sino bang napuyat? Ako, di ba? That’s real enough for me. Pero ang weird lang. Kahit medyo disturbing at mapanganib, I’m kinda liking the experience.