Sapi

by Sankage Steno

Hindi naman ako basta-basta na lang magpapatalo, hano, kaya nagbabasa-basa ako tungkol sa possession just in case hindi lang psychological achuchuchu yung nararanasan ko ngayon. Malaking tulong yung panonood ko ng The Conjuring a few years back para magkaroon ng kaunting idea sa ganitong phenomenon. Doon ko kasi nalaman na meron palang stages of possession.

So ginoogle ko yung mga ‘yon at meron akong nakitang website na hindi mukang credible pero, sa tingin ko, parang totoo naman yung sinasabi kasi halos katulad nung explanation sa napanood kong movie. (If you’ll notice, ang babaw ng sources ko. That’s because we’re talking of paranormal activities here, not scientific. Sino ba namang matinong tao ang mag-iinvest sa research ng supernatural beings, di ba?)

Eto yung apat na stages of possession:

1. Manifestation – Ito yung iniimbita mo yung “nilalang” sa buhay mo. Pwedeng sinadya mo s’yang gawin o kaya naman e hindi mo sinasadya.

  • Sinadya – kapag meron kang sinumpang tao, gumagawa ka ng mga ritwal na pangkulto, kung nagtatawag ka ng espiritu o kapag sinusubukan mong kumausap ng namatay na.
  • Di Sadya – kapag may masama kang iniisip, may matindi kang galit o pagkamuhing nararamdaman, kapag sobrang lungkot o sobrang nakokonsensya sa ginawa mo, kapag nag-iisip kang magpakamatay, etc. Basta kapag meron kang negative feelings.

2. Infestation – Ito yung kapag nagparamdam na sa ‘yo yung nilalang. Ito na yung simula ng haunting experience. Nakakaramdam ka na may nanonood sa ‘yo, may naririnig kang mga kakaibang tunog (katok, sigaw, naglalakad, bukas na gripo, kadena, etc.) at iba pang mga hindi mo maipaliwanag na pangyayari.

3. Oppression – Ito yung ginagambala ka na talaga ng nilalang. Hindi ka na makatulog sa gabi dahil sa takot o dahil nagpaparamdam sila. Pwede ring binabangungot ka o nananaginip ng something sexual (Nakikipag-sex ka o nakikipaghalikan, ganyan). Posible ring me mga nakikita ka na kala mo guni-guni mo lang ‘yon.

Minsan, ang ginagawa ng nilalang, inaalam nila yung kahinaan mo at ipapadama sa ‘yo ‘yon. Kung ano yung kinakatakutan mo, kung sa’n ka nakokonsenyang pangyayari, kung sa’n ka pinakanalulungkot, palalalain ng nilalang yung mga ‘yon para lalo kang humina.

Kapag nangyari ‘to, pwedeng ang maging reaksyon mo e magbisyo, makaramdam ng sobrang galit o pagkamuhi. Minsan nagiging bayolente ka na o naiinis ka masyado sa sarili mo. Pwede ring tangkain mong magpakamatay.

Basta ang gustong mangyari ng nilalang e mag-break down ka o mawala sa sariling katinuan. Kapag nagawa n’ya kasi ‘yon, pwede ka na n’yang sapian.

4. Possession – Ito yung kapag namantsahan na ng nilalang yung free will mo o yung kalayaan mong mag-isip. Kaya na n’yang pasukin yung katawan mo at gawin yung kahit anong naisin nila. Kung espiritu yung sumapi sa ‘yo, baka may gusto silang tapusing misyon sa mundo. Pero kung masamang nilalang, halimbawa e demonyo, ang gusto nila ay makuha yung kaluluwa mo.

Kapag nakuha na nila yung kaluluwa mo, pahihirapan ka nila nang sobra-sobra na gugustuhin mo na lang magpakamatay. O kaya naman, sa sobrang pagpapahirap nila, manghihina nang tuluyan yung katawan mo hanggang sa matuyot ka at mamatay nang kusa.

Sa ngayon, feeling ko, nasa pangatlong stage na ‘ko. Hirap na kasi akong makatulog at umiikli na rin ang pasensya ko habang tumatagal. Binabangungot na rin ako. Pwede namang ako lang yung nagpapahirap sa sarili ko. Ewan. I’m no expert. Kung ano lang yung nararanasan at nababasa ko, yun lang ang alam ko. Baka kailangan ko na ng seryosong tulong.

P.S.
Habang sinusulat ko ‘to, as in ngayon mismo dito sa kwarto kung sa’n may nagpaparamdam sa ‘kin, paulit-ulit na nagha-hang yung PC ko. Buti natapos ko. Hihi.