Cloudy with a chance of poreber

by Sankage Steno

Putongamang ulan ‘yan! Umalis ako ng bahay na sumilip pa yung araw. Pagsakay ko ng bus, dumilim ulit. Pagbaba ko, umambon. Habang naglalakad papunta sa office, bumuhos ang hinayupak na ulan. Pagtapak na pagtapak ko sa ilalim ng canopy ng office building, biglang tumila. Napakahusay.

Pag-uuntugin ko ‘tong Egay at Falcon na ‘to e. Hahatakin lang yung habagat, tinapat pang rush hour. Nagmukha tuloy akong kanta ng Aegis. Nung una kala ko e Mariah Carey lang, but no! Aegis talaga. Or Rivermaya. Close fight yung dalawa.

Sa sobrang basa ko kanina, betlog ko lang yata yung tuyo. Lahat squeaky. Potek ‘yan o. Walang sinabi yung wet dream ko. Ito wet reality. As in! Kasing-real ng pagka-wet nina Frank at Malachy McCourt sa Limerick. Basang-basa tulad nina Vilma Santos at Claudine Barretto sa Anak. Minus the fun and fantasy, parang yung scene nina Mei, Satsuki at Totoro sa bus stop habang naghihintay sa tatay nung dalawang bata.

Antanga ko rin naman kasi. Umasa ako sa kakarampot na sikat ng araw kanina. Kinindatan lang, in-lab na agad? Taragis. Ayan tuloy. Anong napala ko? Di na natuto.

Sana di na lang ako nagpayong. Wala rin naman palang silbi. Mababasa rin pala ako. Sana di na lang ako nagmahal. Iiwan din pala ako. Sana hindi na lang ako nagsuot ng medyas at sapatos, papasukin lang din pala ng tubig. Sana hindi na lang ako umasa, masasaktan din pala ako. Kainis. Pota.

Enjoy pa man din ako nung magsimulang mag-uulan. Lumamig na kako. Di na mamamawis yung kilikili at singit ko. Di ko na rin kailangang mag-deodorant araw-araw. Di naman kasi ako pagpapawisan nang malala. Tipid din sa gastos kahit papa’no. Ang mahal na kaya ng deo stick ngayon. Every year yata tumataas ng tatlong piso.

E ngayon, muka rin akong me baskil. Wala nga lang amoy. Pero kahit na, dyahe to da max sa lahat ng nakasalubong ko sa labas. Oo, marami kaming nabiktima ng pabugsu-bugsong ulan. Buti pagdating ko sa office, lahat busy. Walang tumingin sa basa kong kilikili. Ako lang.

Ako lang ang nabwisit sa sarili ko. Tengenengene nemen.

Uuwi na sana ako at aabsent. Wala na ‘ko sa mood magtarbaho e. Kadiri na yung pakiramdam ko sa basang medyas. Giniginaw na rin ako sa basang suot. Para akong umakyat ng Mt. Pulag na walang dalang jacket at tent. Sobrang katangahan lang. At wala akong ibang masisi kundi yung sarili ko.

E nag-text ka bigla. Meron pang🙂 sa dulo. Sumikat na ulit yung araw ko.