Petisyon para sa butternut

by Sankage Steno

Nananawagan po ako sa mga tagapamahala ng Dunkin Donuts Philippines na kung maaari ay ibalik ninyo ang regular-sized butternut, yung donut na may butas, walang palaman, kulay yellowish-white ang loob at nababalutan ng kulay orange na pulbos.

Simula po kasi ng alisin n’yo ito sa inyong mga tindahan at itira na lang yung munchkin version, hindi na po ulit ako bumili sa kahit saang store ng Dunkin Donut sa bansa. Sinubukan ko pong lumipat sa J.Co pero hindi ko po nagustuhan. Tinikman ko rin po ang Krispy Kreme, pero wala pa rin pong makakapantay sa sarap ng butternut.

Forget Mister Donut. Di ko po s’ya gusto.

Nasaktan po ako dati nang taasan ninyo yung presyo ng butternut, pero tinanggap ko po iyon nang buong puso. Bumuli pa rin po ako araw-araw. Ngunit nang tuluyan n’yo pong alisin ito sa inyong mga istante, gumuho po ang donut world ko. Hindi ko kinaya. Ilang oras po akong nagkulong sa banyo at paulit-ulit na nag-walling pababa habang sumisigaw ng “Butternut!”

At bilang napag-uusapan na rin po ang butternut, gusto ko na rin pong idamay sa petisyong ito yung kapatid n’ya, si choco butternut.

Halos magkasabay po silang tumaas ang presyo, pero nanatili po si choco butternut sa mga istante at sa pagiging regular na donut. Kaya lang po, binawasan ninyo yung orange coating n’ya. Mas mukha na po s’yang choco kesa butternut. Nakakaiyak.

Ibalik ang butternut sa choco butternut!

Nakita n’yo po ba yung poster n’yo ng Obsession Collection? Malamang. Eto po:


E nakita n’yo po ba yung itsura n’ya sa totoong buhay? Eto po:

Nasaan po ang hustisya? Bakit n’yo po kami pinasasakitan nang ganito? May nagawa po ba kaming masama para tratuhin nang ganito? Obvious naman pong magkaibang-magkaiba sila, di ba? Sa’ng planeta po galing ‘yung pangalawa? O sa’ng planeta po napunta yung nasa unang picture? Hindi ko po maintindihan.

Inuulit ko po ang aking mga panawagan:

Una, ibalik po ninyo ang regular size ng butternut. At pangalawa, ganahan n’yo po ang pagbudbod ng orange coating sa choco butternut.

Buong kababaang-loob po akong nagsusumamo at taos-pusong umaasang mapagbibigyan ninyo ang aking kahilingan. Iyon lamang po. Maraming salamat.