Original Sin

by Sankage Steno

Nakakaapat na Red Horse na ‘ko, isang bote ng Emperador Light at kalahating bote ng Black Label pero hindi ko pa rin ma-feel na malinis na yung katawan ko. Hindi ko kasi alam kung pa’no matatanggal yung original sin na minana ko raw kina Eba at Adan. E malay ko ba do’n?

Di ko naman kasalanan yun a? Bakit kailangan kong pagbayaran? Saka bakit sa ‘kin pinamana yung sin na ‘yon? Tangina-Tongama naman ‘tong sina Eba’t Adan e! Magpapamana lang yun pang kasalanan. Pwede namang yung kinagat nilang bunga mula sa puno ng karunungan ng mabuti at masama. Bwiset.

Simula daw kasi nung pinanganak ako sa mundong ‘to, dala-dala ko na yung minanang sala na ‘yon. E dahil ayaw naman syempreng mapunta ako sa impyerno ng mga magulang ko, ayun, pinabinyagan nila ako sa catholic church kahit wala akong consent. Pa’no naman ako makakapagbigay ng consent e ilang buwan pa lang akong nakakahinga ng utot ng magulang ko?

Kahit naman siguro child prodigy ako, di ko mapipigilan yung mga magulang ko ipabinyag ako sa kalagayan kong ‘yon. Hay buhay.

Tapos nu’ng binyag, nawala na raw yung original sin ko, pero feeling ko meron pa rin e. Kasi kung wala na talaga s’ya, bakit me posibilidad pa ring mamatay ako? Di ba original sin ang dahilan kung bakit namamatay yung tao? Kasi kung di pinaalis sina Eba at Adan sa garden of Eden, poreber silang mabubuhay do’n. E kumagat nga, ayun, nawalan ng poreber.

Ayoko pong mamatay, please.

Kinausap ko yung diyos nung isang gabi kahit labag sa kalooban ko. Pumunta ako sa banyo namin kasi du’n lang ako merong privacy talaga. Pagkasarado ng pinto, umupo ako sa trono at nagnilay.

“ODK, bakit naman pinamana mo pa sa ‘min yung original sin? Pwede namang eternal life yung ipamana mo,” sabi ko.

Sumagot yung diyos, in fairness, “Ganun talaga.”

“Anong ‘ganun talaga’? Me power ka namang i-cancel out yung sin na ‘yon, ba’t di mo ginawa? Gaguhan ba ‘to? Gusto mo talaga kaming mamatay? Kala ko ba love mo kami?”

“Love ko nga kayo.”

Di muna ako sumagot agad. Hinintay ko kung me karugtong pa yung sasabihin ng diyos. E wala. Nagmuka lang akong tanga sa loob ng banyo.

“ODK, andyan ka pa?”

“Opo,” sagot ng diyos.

“Ba’t binigyan mo pa kami ng original sin? Tanggalin mo na kasi, please.”

“Anxiety then faithless you’ll be. Hope. Just fall on me. There’s no other answer. I’ll catch you just fall on me.”

Di ko kinaya yung pagkanta ng diyos ng Moonstar 88. Umutot na lang ako at lumabas ng banyo. Nakalimutan ko pang isara yung zipper ko. Buti na lang. Nalaman tuloy nung mga tao sa ‘min kung ga’no kalaki. Thank god.

Hanggang ngayong kasama ko pa si Johnny Walker e di ko pa rin talaga alam kung pa’no aalisin yung bisa ng original sin. Wala talaga sa plano ko ang mamatay e. Balak ko, kapag 21,033 years old na ‘ko, pupunta ako sa tambayan ni Virgil, malapit du’n sa tarangkahan ng impyerno.

Magpapatanggal ako ng pag-asa sa katawan.