3 lugar sa Pinas para sa nag-iisang hugutero

by Sankage Steno

Maraming beses na ‘kong bumiyahe sa loob at labas ng bansa nang mag-isa. Huwag mo ‘kong tanungin kung alin ang mas gusto ko: yung mag-travel mag-isa o yung me kasama. Pareho ko silang gustong gawin. At basta kaya ko, ginagawa ko. At wala akong pake… you know the pabebe drill.

Kapag nag-travel akong mag-isa, dalawa lang madalas ang dahilan n’yan. Una, dahil sa trabaho ko bilang journalist/writer/correspondent. Pangalawa, dahil nababaliw na ‘ko sa Maynila at kailangan ko ng bagong lugar para bumalik sa katinuan.

Ang ishe-share ko ngayon e yung mga lugar dito sa napakagandang bansa natin na siguradong magugustuhan ng mga tulad kong komportableng bumiyahe, mag-isa man o me kasamang iba. Yung mga babanggitin ko rito e, well, pinuntahan kong mag-isa, at kundiman ako tinuruan ng lesson e nabigyan naman ako ng magandang venue para magpahangin at makapag-isip-isip.

Ganyan tayong mga millennials e. Spoiled brats of history. Me patadha-tadhana pang nalalaman. Anyway, here you go!

BUKIDNON

Kung merong Baguio ang Luzon, ang Mindanao naman e may Bukidnon. Dalawang beses na ‘kong napunta rito. Nung una, kasama ko yung mga kaibigan ko at pumunta kami sa taniman ng pinya at sa Dahilayan Adventure Park. Yung pangalawa, solo na. Me assignment naman ako mula sa Department of Education. Pinadala ako sa paanan ng Mt. Kitanglad. Parehong sobrang lamig sa mga lugar na ‘to.

Du’n ako sa bundok nakapag-isip-isip talaga. Kaka-recover ko pa lang no’n sa ex kong nakilala ko sa bar na may multiple partners at laging Ms. India sa mga lakad namin. Dahil malamig sa bundok at ang weird ng mga tunog kapag gabi, idagdag mo pa na sobrang dilim at umuulan, tinangay talaga yung isip ko sa ibang dimensyon. Para akong sumilip sa kaleidoscope na black and white.

Hindi ko makakalimutan yung pakiramdam ko nung gabing nakahiga na ‘ko at sinusubukang kumuha ng tulog. Labo-labo talaga: nababalisa, natatakot, nae-excite, nalulungkot, natutuwa, kumakalma. Roller coaster s’ya. Di ko nga alam kung pa’no ko nalampasan ‘yung gabing ‘yun e. Basta na-enjoy ko yung iba’t ibang pakiramdam.

ALBAY

Nung unang punta ko rito, di pa ‘ko nakakaget-over sa ex kong nakilala ko nung last year ko sa college. Walang paa-paalam, walang sabi-sabi, pumunta ako sa Araneta bus terminal, pumili ng bus and the next thing I know, nasa Albay na ‘ko.

Sobrang gulat na gulat ako nung magising ako at sumilip sa bintana ng bus. Anlaki shet ng Bulkang Mayon. Di ko talaga inexpect na ganun s’ya kalaki. Sa postcard at Hekasi books ko lang kasi s’ya nakikita dati. Kumabog talaga yung dibdib ko sa pagkamangha. Love at first sight tengene. Ang swerte ko pa kasi full glory kong nakita yung bulkan. Walang kyemeng ulap o ulan.

Di ko kinaya.

Pagkakita ko pa lang ke Magayon, solb na ‘ko. Parang gusto ko nang bumalik ng Maynila at ituloy ang buhay kong sobrang amazing. Pero syempre di ko naman sinayang yung pagkakataon. Naglibut-libot na rin ako at tumikim ng mga putaheng Bikolano. At para masulit ang pagmu-move on kuno ko dun, nagpagupit ako ng buhok sa Legazpi City.

BATANES

Ito talaga yung dream destination ko sa Pilipinas e. Dapat pupunta ako rito nang me kasama. E nag-back out last minute. Kebs. Tumuloy pa rin ako kahit ako lang mag-isa. Buti na lang.

Alam mo, ang hirap humanap ng makakainan dito, ang mahal ng pamasahe at accommodation, at ang lupit ng hangin at tubig I swear sa tumbong ng diyos, pero dahek sobrang sulit talaga. Between Hong Kong and Batanes na hindi nagkakalayo ang airfare, with all my heart and soul, hands down, Batanes na. Kahit pa nga Singapore e, Batanes pa rin yung pipiliin ko.

Dito talaga, kahit hindi ka artist, magiging alagad ng sining ka bigla. Imposibleng hindi ka ma-inspire sa ganda ng tanawin. Kahit tuod mapupukaw yung damdamin ‘pag naibalibag sa islang ‘to. Mapapakanta ka o mapapasulat ng tula o mapapasayaw o mapapaguhit bigla. Ang O.A. ko sa part na ‘to pero as in.

Nung pumunta ako rito, baliw na baliw pa ‘ko sa bago kong labidabs na nakilala ko naman sa coffee shop. E wala. Lalong umigting yung pintig ng aking puso. Lalong sumakit. Lalong lumalim. Yun ang magic ng lugar na ‘to. +10 sa status effect. Pero kala mo pinagsisisihan ko? Di rin. Ito yung klase ng lungkot na maganda at masarap namnamin. At kung tatanungin mo ‘ko kung sa’n ko gustong mamatay, dito na ‘yon.