Palakanta, palatugtog

by Sankage Steno

Maliban sa genius-level na IQ ko nung high school na never ko na yatang na-reach ulit, madalas ipagyabang ni Papa noon sa mga katrabaho n’ya at sa lola ko na ang hilig-hilig ko raw kumanta nung maliit pa ‘ko (or nung malaki pa ‘ko? Kase mas malaki yung katawan ko noon kesa ngayon e.).

Sabi n’ya ke lola nung minsang dumalaw kami sa lolo ko sa Libingan ng mga Bayani, “‘Yang si [Sankage] Steno, Ma, ‘pag nanood yan ng MTV, pupunta sa piano, ‘tas tutugtog ng kung ano-ano saka kakanta. Chenes-chenes-boom-boom-pow. Pak ganun!”

Wala naman akong maalalang ganun nung kasikatan ng MTV. Mema ‘tong si Papa. National scientist, mahilig mag-imbento. Biro lang. Half true naman yung sinabi ni Papa noon. Mahilig nga akong magtutugtog sa piano kahit kung anu-ano lang yung pinagpipipindot ko. Di talaga ako sanay mag-piano. Ta’s kumakanta nga ako nung napapanood ko sa TV. Pero hindi ako magaling noon, pramis.

Ang kaya ko lang talagang tugtugin noon sa piano e yung Canon in D ni Pachelbel, yung Pathetique ni Beethoven, yung Nocturne ni Chopin, yung Claire de Lune ni Debussy, yung Jesu Joy of Man’s Desiring ni Bach, yung Eine Kleine Nachtmusik ni Mozart at yung Flight of the Bumblebee  ni Korsakov. ‘Yang mga basic lang alam ko.

May time din na nahumaling ako sa bamboo flute nung grade school dahil nagdala yung isa kong kaklase. Ayun, nagpabili ako ke Papa. Binili naman n’ya ‘ko pero after kong ma-honor sa isang quarter. Nung makuha ko na s’ya, gumigising ako nang maaga at tumutugtog sa harap ng bahay namin habang lumalanghap ng hamog sa umaga.

Ako na rin yung naging tagagising ng mga tao sa ‘min. At di ko makakalimutan yung tawag sa ‘kin ng tita ko noon. “Igorot.” Porke nagba-bamboo flute, Igorot na agad? Well, now that I think of it, compliment pala s’ya. So thank you very much. I’m an Igorot, bow.

Tapos sobrang hilig ko ring bumili noon ng song hits. Collection ko s’ya dati. Halos every week yata e dumadayo ako sa palengke after school hours para lang humagilap ng bagong issue na me mga bagong kanta. Ta’s pag-uwi ko, kakantahin ko mag-isa sa kwarto after maglaro sa labas ng patintero, moro-moro, taguan, tumbang-preso, atbp.

Ansaya pala ng buhay noong wala pang social media shet.

Feeling ko malaki yung contribution ng pagbili ko noon ng song hits at panonood ng music videos sa pagkapanalo ko sa Singing Bee. Ala lang. Napag-isip-isip ko lang. Ngayon ko lang napagkonek-konek. Astig ‘no? Yung mga pinaggagagawa ko sa past e may effect sa future. The same way na yung pinaggagagawa ko ngayon e may epekto rin sa hinaharap na hindi ko pa alam.

So exciting this life!

Sayang nga lang at hindi na napanood ni Papa ‘yon. Pero feeling ko naman andun s’ya. Kase pinalabas yung episode na ‘yon nung mismong death anniversary n’ya. What a coincidence, ‘no?

Happy birthday, Pa. I miss and love you.