Yabang, graduate na

by Sankage Steno

Dahil dalawang linggo nang puro galit ang laman ng blog ko, magfo-focus naman ako ngayon sa something na masaya. Quotang-quota na si Anger sa utak ko kaya si Joy naman ang hahawak ng controls.

Natutuwa ako na medyo naiiyak dahil ga-graduate na yung mga estudyante ko. Alam n’yo na kung sino kayo. Hindi ko sasabihin yung school n’yo dahil baka madamay pa sa dami ng haters ko rito.

Clue: MIT

Yes, magsisipagtapos na yung karamihan sa mga tinuruan ko sa Massachu… Masachusse… Massachussett… FINE! Mapua na lang. There, I said it!

Ang saya lang sa pakiramdam na part ako ng success ninyo. At nakakaiyak din na limang taon na pala yung lumipas simula nung nagturo ako sa MIT. Ambilis ng panahon, shet. Dati mga totoy at nene pa lang kayo, ta’s ngayon, totoy at nene pa rin… pero may diploma na. Naks! Bilog na utot!

You already!

Actually, marami na rin akong students na grumadweyt dati, so pasensya na at ngayon lang ako nakapag-blog tungkol dito. Alam n’yo namang proud na proud ako sa inyong lahat. Kayo yung pinaka-close sa pwede kong ituring na mga anak. (Shet, lakas makatanda. Hoy, nasa 20s pa lang ako, excuse me.)

And in all honesty, yung dalawang taon kong pagtuturo sa MIT ang pinakamasaya sa buong professional life ko, at hindi pa ‘yon napapantayan ng kahit anong trabahong napasukan ko. Ibang high at kabaliwan yung nakukuha ko kapag nasa classroom at kaharap kayong lahat. I’m sure alam na alam n’yo ‘yon. ‘Wag n’yo nang ipakwento sa ‘kin dito! Nakakahiya, ano ba!

Atin-atin na lang ‘yon.

Kaya sana naman, kapag nagkita tayo sa real world, makatikim naman ako ng konting libre d’yan. (Yes, ang kapal ng mukha ko talaga. Nahahawakan mo ba d’yan sa screen mo?) Pero ‘wag namang masyadong mahal. Nakakahiya naman kung PS4 yung ibibigay n’yo sa ‘kin o trip to Europe o kaya e hot na hot na jowa. Nakakahiya, I swear. ‘Wag ganu’n.

Okey na sa ‘kin yung isang pirasong yosi o isang bote ng Red Horse o isang stick ng isaw. Masaya na ‘ko du’n.

Kwentuhan n’yo na lang ako ng kahit ano. I love your stories! Oo, binabasa ko talaga yung essays n’yo kahit tadtad ng grammatical errors. Kung alam n’yo lang kung ga’no kahirap at kasayang magbasa ng mga sulat ninyo.

Sana rin may naalala kayo kahit isa sa mga tinuro ko. Kung wala man, sana kahit isang joke o isang gesture ko. ‘Wag n’yo na nga kasing ipakwento sa ‘kin dito. Neheheye nge eke. Hi hi hi!

O pa’no? Sama-sama na tayong makikipagsagupaan sa totoong buhay. Ang advice ko lang sa inyo para sa pagsabak n’yo sa malupit at makulit na mundong ‘to e nasabi ko na noon pa. Napaka-useful nito lalo na kapag nagkasabay-sabay yung problema at stress n’yo sa buhay. Naaalala n’yo pa ba yung kaisa-isa kong house rule sa klase na lagi kong sinasabi tuwing first meeting?

Hindi na? Here, let me say it again:

Bawal ang KJ.