Mga napulot ko sa Maculot

by Sankage Steno

“The world is a book and those who do not travel read only a page.”

Sa dinami-rami ng magagandang nangyari kahapon (nagkita na sina Alden at Yaya Dub, nanalo ang UP laban sa UE sa basketball, nanalo rin ang Gilas Pilipinas laban sa United States sa Jones Cup at naakyat ko na rin sa wakas ang Mt. Maculot sa Cuenca, Batangas), yung quote na ‘yan ang pinakatumatak sa akin.

Tinuro sa ‘kin ng kaibigan kong geologist yung siping ‘yan pagkatapos naming kumain ng halo-halo sa paanan ng Mt. Maculot. Nakasulat s’ya sa isang tarpaulin pero di naman nakalagay kung sino ang nagsabi o sumulat. So ginoogle ko, at nalaman kong kakilala ko pala yung nagsabi ng magandang quote na ‘yan.

Si Saint Augustine.

Last year, me sinulat din akong isang entry rito tungkol sa isa ko pang paboritong quote from this saint. The title of my post is Amabam Amare, and here is the complete sentence from where it was taken:

Nondum amabam et amare amabam et secretiore indigentia oderam me minus indigentem. Quaerebam quid amarem, amans amare…

Na ang basa sa English ay:

I was not yet in love, but I was in love with love, and from the very depth of my need hated myself for not more keenly feeling the need. I sought some object to love, since I was thus in love with loving…

Hindi ko na uulitin yung sarili ko. Kung gusto mong malaman ang aking insight tungkol d’yan, i-click mo na lang yung luma kong entry. Otherwise, kung gusto mong ikaw mismo ang lumikha ng sariling pakahulugan sa sipi na ‘yan, ayos din naman. May kanya-kanya tayong pinanggagalingan kapag sa mga ganyang usapin.

Kaya itutuon ko na lang muna ang aking pansin sa naunang sipi sa itaas.

Sobrang sayang mag-travel, alam na natin ‘yan, lalo na kung gusto mo yung mga kasama mo. Kahapon, iba’t ibang kaibigan yung nakasama ko sa pag-akyat sa Mt. Maculot. Mga bago at luma ko silang kaibigan. Nung una nga, nag-aalala ako na baka hindi sila magkagustuhan o magkapalagayan ng loob, pero masaya ako dahil nagsaya kaming lahat kahit first time palang magkita nung iba.

Andami ko ring natututuhang bago kapag nagta-travel. Tulad kahapon, and I have to thank my geologist friend for terms like lichen (yung parang mga lumot na nakakapit sa bato o puno pero close relative talaga nila ang fungi) at andesite (yung mga batong iniluwa ng bulkan at sagana sa bansa natin). Nalaman ko rin mula sa aming guide yung halamang kulutan na s’ya raw pinagmulan ng pangalan ng bundok na inakyat namin.

Ang isa sa paborito kong ginagawa kapag naglalakbay ay yung nakikisalamuha ako sa mga ibang manlalakbay at sa mga tagaroon sa lugar na aking pinupuntahan. Andami ko kasing naiintindihan tungkol sa kultura ng mga tao roon, maging tungkol sa personal nilang mga buhay. Ang sarap makipagkwentuhan saglit sa kanila at makipagpalitan ng mga pangarap, pighati at karanasan sa buhay.

Maidagdag ko lang. Kahapon, habang paakyat kami at habang pababa, lahat ng nakakasalubong naming hikers at locals ay nagsasabi ng “Ingat po” o kaya ay bumabati ng “Magandang tanghali/hapon” na may kasamang ngiti (which I felt was sincere). Maliit na bagay, I know. Pero kung iisipin mo, hindi naman kayo magkaano-ano at lalong hindi kayo magkakilala, pero nag-uusap kayo at nagkakapalagayan ng loob.

Hindi ko alam kung sa Pilipinas lang yung ganito, pero I’m glad ganito tayong mga tao.

Taken as a whole now, I’m pretty sure medyo makapal na yung librong nabasa ko kung pagbabasehan yung sinabi ni St. Augustine, and I plan to add more and more pages habang nabubuhay ako at habang kaya ko pang umakyat at bumaba ng bundok. Andami ko pang gustong matutuhan at maintindihan tungkol sa mundo at sa buhay.

After all, sabi nga sa post ng isa kong kaibigan sa Facebook, “You can never be overeducated.”