Para sa ginto

by Sankage Steno

Tinanong ko yung kaibigan kong geologist habang paakyat ng bundok kung ano yung pinakamaraming mineral o metal sa Pilipinas. Ang sagot n’ya, “Copper saka gold.”

Sa Mindanao kung saan napakaraming bundok ang hindi pa nagagalaw o namimina, at tinitirhan ng maraming katutubong Pilipino na silang nangangalaga rito, maraming mining companies ang naglalaway para makuhanan ito ng ginto. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit maraming lumad ang pinapatay roon.

Kawawang mga lumad na panibagong biktima sa ngalan ng “progreso” at “kaunlaran.” A clear case of ethnocide.

Ang pangunahing suspek sa mga pagpatay na ito at sa di-mabilang na pang-aabuso sa karapatang-pantao ng mga lumad ay ang militar at ang binuo nilang mga paramilitary groups. Nakakalungkot lang na ilan sa mga miyembro ng paramilitary groups ay mga lumad din mismo na, marahil, nalinlang ng militar at nahikayat na kalabanin ang kanilang mga kapatid.

At para sa ano? Para sa ipinangako nilang mas magandang buhay dahil sa pagmimina sa ginto ng mga mining companies na galing sa ibang bansa? Wow.

Syempre, itinanggi na ng militar na sila yung may kasalanan sa pagpatay na ito. Sinasabi rin nila na yung kanilang operasyon sa Mindanao kung saan nakatira ang mga lumad ay para diumano labanan ang mga kasapi ng NPA. Yeah right. I’m sorry but I don’t buy that shit. Napakadaling sabihing miyembro ng NPA yung mga pinapatay nila.

Ang isa pang nakakalungkot sa pangyayaring ito, maraming bata ang hindi makapag-aral dahil naaapektuhan ng operasyon ng militar at paramilitary groups doon. May sinasabi pa silang yung mga paaralang pinapatakbo ng mga NGOs doon e training ground daw para sa mga komunista o terorista.

Seryoso? Anong pruweba nila?

Hindi masyadong nababalita ‘to sa TV, radyo at dyaryo dahil napakalayo ng Mindanao sa Metro Manila. Isa pa, sino ba ang mga lumad? Hindi naman sila #AlDub. Hindi naman sila Gilas Pilipinas. Malamang marami sa ating taga-Luzon o taga-Maynila ang ngayon  lang narinig ‘to. Bukod pa riyan, malaki ang mapapakinabangan ng gobyerno kung mapapaalis nila yung mga lumad sa gold-rich areas kung saan sila nakatira at namumuhay.

Ano nga ba ang laban natin sa ginto?

Kung madaragdagan lang sana yung ingay na ginagawa natin para maipaalam sa mas maraming Pilipino yung kalagayan ng mga kapatid nating lumad sa Mindanao, baka sakaling makinig ang gobyerno at utusan ang militar na itigil ang mga pagpatay sa nasabing lugar.

Pakipasa.