Para kanino tumitirik ang mata mo?

by Sankage Steno

Tirik na tirik yung araw nung dumating kami sa tuktok ng Bundok Manalmon sa San Miguel, Bulacan. Muntik na ring tumirik yung mga mata ko dahil sa sobrang init. Kung nagmaganda pa siguro ako sa tuktok at nagpabilad sa araw habang kumukuha ng selfies, baka nasa ataul na ‘ko ngayon. O nasa ilog kung sakaling hindi ako iburol ng mga kasama ko.

Naramdaman ko na yung pagkahapo dahil sa sobrang init dahil tinanghali na kami ng akyat. Kahit uminom ako ng tubig, medyo hilo-hilo pa rin ako at parang naduduwal. Nakailang dura kaya ako sa may batuhan. Buti na lang may punong tumutubo sa bato-bato kaya nakasilong ako sa mga lilim no’n. Tinanong ko yung guide namin kung ano ang pangalan ng punong nagligtas sa ‘kin, kaso di n’ya rin alam.

Dapat talaga ituro ang botany sa mababang paaralan. Andami kaya nating halamang-gamot at maiinam na puno.

Pagkabalik namin sa baba, nagpahinga lang kami saglit at saka sumuong naman sa Bayukbok Cave. Sabi ko sa sarili ko nung una, sisiw na lang ‘to dahil nakailang kweba na ‘ko. Andyan yung Sumaging at Lumiang sa Sagada, yung Ugong sa Palawan, yung Hoyop-hoyopan sa Albay at kung anu-ano pang yungib na sinuotan ko pero di ko na maalala ang ngalan.

Yun ang akala ko.

Pamatay rin pala yung kweba rito sa San Miguel. Papunta pa lang, pahirapan na. Tusuk-tusok kasi yung mga bato, e nakatsinelas lang ako. Akala ko kasi magtatapak sa loob tulad ng sa Sumaging. Hindi pala. Buti na lang pinahiram ako ng sandals nung guide namin na sobrang galing magkweba at mamundok. Seryoso, maning-mani sa kanya yung mga makikipot, madidilim at matatarik na daan.

Kung nagmaganda na naman siguro ako sa loob ng yungib at kung hindi ako pinahiram ni kuya ng sandalyas, baka tirik na rin yung mga mata ko ngayon. Baka isa na ‘kong pataba sa lupa. Takot pa naman ako sa loob dahil bukod sa madilim at matatalim yung bato, madulas din s’ya dahil maulan. Kung ba’t naman kasi ngayong panahon kami nagpasyang mamundok. Naghahanap talaga ako ng sakit sa katawan at saka ng disgrasya.

At hindi pa ‘ko nakuntento. Talagang tinodo ko na yung paghahanap ng disgrasya kasama ng mga kaibigan ko sa opisina.

Sunod naming sinubukan yung Monkey Bridge (o Monkey Bar?) na dating ginagamit na tulay ng mga taga-Sitio Madlum. Dalawang matitibay na alambre s’yang pinagdugtong at ikinabit sa mga bato at puno sa ibabaw ng ilog. Sa wakas, natupad na rin ang pangarap kong makatulay sa alambre. Hindi naman pala ganu’n kasama. Ang ganda pa ng view.

Alam mo yung pinaghalong pakiramdam na kaba at saya? Kinakabahan ako dahil pwede akong madulas at mahulog. Pero nasisiyahan ako kasi bagong karanasan na naman ‘tong pwede kong ikwento (tulad ng ginagawa ko ngayon) at ang ganda ng paligid.

Ang swerte ko talaga dahil dito ako sa Pilipinas pinanganak. Ang ganda ng bansa natin, pramis!

Pagkatapos ng lahat ng hirap, syempre andun yung sarap. Naligo ako sa ilog habang pinanonood ang paglubog ng araw sa kanluran. May mas sasaya pa ba rito? Para akong umibig at nasuklian ng wagas na pagmamahal. Para akong nakipagtalik sa aking irog at napatirik ang mga mata sa lubos na kaligayahan. Ang O.A. na ng paglalarawan ko. Pagbigyan. Ganito talaga ako kapag gusto kong mang-inggit ng iba.

manalmon