Gusto mo ng Martial Law?

by Sankage Steno

Tara, suntukan tayo. Kapag napatumba mo ‘ko, bibigyan kita ng pamasahe para makalipad papuntang North Korea. Gusto mo ng military rule, di ba? Gusto mo na isang tao lang ang nasusunod sa pagpapatakbo ng bansa, di ba? Gusto mo disiplinado yung mga mamamayan, di ba? Pabagsakin mo ‘ko, dali!

Pero ‘pag ikaw ang napatumba ko, hahayaan kitang idemanda ako at kasuhan ng physical assault. Pwede mo ‘kong ipakulong at/o pagbayarin ng damages. Hahayaan kitang makaganti sa akin sa pamamagitan ng batas na umiiral sa bansa. Hahayaan din kitang siraan ako sa Facebook, sa Twitter, sa blog mo at kung saan-saan pa.

Kalayaan mo ‘yan e.

At kapag hindi mo ako napakulong dahil sa bulok na sistema ng ating husgado o dahil napakabobo ng mga pulis, hahayaan kitang murahin ang gobyerno. Sabihin mo na lahat ng masasakit at maaanghang na salita sa lahat ng lenggwaheng alam mo. Idemanda mo na rin sila kung gusto mo. Pwede ‘yon, pramis.

Kung nabuhay ka sa panahon ng Martial Law, hindi mo magagawang siraan ang pamahalaan. Patay ka sa mga sundalo ni Marcos. To begin with, wala ka ring means para gawin ‘yon dahil kung meron nang social media noong panahong ‘yon, malamang ise-censor ng pangulo. Malamang naka-block s’ya. Hindi ka pwedeng dumaing sa pamahalaan kasi lagi siyang tama.

At kapag dinakip ka na ng mga sundalo ni Marcos, wala ka nang kawala. Suspendido ang writ of habeas corpus kaya hindi ka pwedeng tumanggi o magdemanda o depensahan ang sarili. Kung may baril ka, sige, makipagpalitan ka ng putok sa mga sundalo. Gudlak. Push mo ‘yan.

Mas malala pa ‘yon sa mga magulang mo na ayaw kang payagang umalis ng bahay para sumama sa lakwatsa ng mga kaibigan mo. At least yung mga magulang mo, kapag sinuway mo o kapag sinagot mo, palo lang o sermon ang aabutin mo. Kung sa diktador ka susuway o magsasabi ng masama, swerte mo kung kulong lang ang aabutin mo.

Malamang sa malamang, ito-torture ka o ipapapatay sa mga sundalo.

Ngayon, kung sa palagay mo e ayos lang ang kamay na bakal para disiplinahin ang mga tao at kung gusto mong mamuhay sa takot, e di sige, ipagpatuloy mo lang ‘yang pag-idolo kay Marcos at sa kanyang Martial Law. Buuin mo na rin yung pinasabog n’yang mukha sa Ilocos. Magsama kayo ng pangulo mong magnanakaw na, mamamatay-tao pa.