Ang hirap ng madaming pera

by Sankage Steno

Kapag bukas wala pa rin kaming sweldo, hindi na ‘ko papasok sa Friday. O baka bukas na lang. Dadaan muna  ako sa bangko bago pumasok para i-check kung may sahod na, ta’s ‘pag wala, di na ‘ko pupunta ng office. Parang cutting classes lang, ganyan. Saya.

Hindi naman kasi nade-delay yung trabaho ko. Lagi akong pasok sa deadline. E ba’t naman yung pera namin napapadalas yung late na pagbibigay. Hindi naman makatarungan ‘yon.

Buti na lang marami pa ‘kong pera. Lagi ko ngang sinasabi sa mama ko, “Ma, yung mga bangko, pwedeng magsara. Ako, hinde.” Ako na. Sa dami ng pera ko, halos gabi-gabi akong tumatambay sa coffee shop. Balak ko ring bumili ng bagong game console, bagong sapatos, bagong musical instrument at bagong PC. Baka kumuha na rin ako ng condo sa BGC. Tapos linggo-linggo pa ‘kong nagta-travel sa mga probinsya natin.

Ako na talaga.

Pinag-iisipan ko nga kung pupunta ako ng Mt. Daraitan sa Rizal this Saturday, kaso UAAP Cheerdance Competition ‘yon, so baka next time na lang.

Mahirap kapag walang pera, I know, pero mas hirap ako kapag saksakan ng dami yung salapi ko. Tulad na lang nung nangyari sa ‘kin nung isang linggo. Pumunta ako sa Family Mart para mag-withdraw. Oo, may ATM dun. Nag-withdraw ako ng P1 million. Tae. Paglabas ba naman ng pera, puro P100 bills! E di hindi nagkasya sa wallet ko! Tangina this. Humingi pa tuloy ako ng paper bag sa cashier para may paglagyan ako ng pera.

Tapos nung Lunes naman, pumunta ako sa coffee shop para i-meet yung kaibigan ko. Syempre umorder ako ng pagkain. Pagdating sa counter, antagal-tagal kong nag-iisip ng kakainin. Ang mumura kasi ng tinda. Pinakamababa na yung P200 para sa isang omelette. E jusko! Gusto ko ngang mabawasan yung P1,000 bills ko sa pitaka. Hindi ko naman kayang umubos ng sandamukal na pasta at sandwich. Ayoko rin namang suklian ako dahil kakapal yung wallet ko, e ang kapal-kapal na nga!

Ending, sinabi ko na lang sa cashier, “Keep the change. Tip ko na sa ‘yo ‘yan.”

Eto pa. Nagpunta ako ng Quezon nung long weekend. Nag-rock climbing ako sa Atimonan tapos overnight sa Borawan. E nakalimutan kong probinsya nga pala ‘yon, so wala silang panukli sa mga P1,000 bills ko. Jusmiyo marimar! Ang saya-saya ng mga taga-Quezon. Lahat ng binayaran ko dun, tour fee, bangka, tent, guide, pagkain, etc., walang suklian! Napaaga ang pasko nila.

Ang saya-saya ko rin naman kasi gumaan-gaan yung laman ng pitaka ko. Ang hirap kayang maupo kapag nakaumbok yung puwitan mo dahil sa makapal na wallet. Try mo kaya.

Kaya sana talaga dumating na yung sweldo ko. Gusto ko na kasing magtapon ng P1,000 bills habang nagpapalipas ng traffic sa EDSA.