Sino gustong mag-ghost hunting?

by Sankage Steno

Nagtanong ako sa nurse nung isang gabi kung sa’n yung morgue sa Makati Med. Bago ako sagutin, napangiti s’ya, “Bakit, sir, may ihahatid po ba kayo?” Natawa lang ako sabay sabing, “Oo, malapit na.” Ta’s kinindatan ko yung kasama kong bagong ahit yung kilay.

Wala naman talaga akong balak magdala ng bangkay sa morgue, pero gusto kong makita yung lugar kasi never pa ‘kong nakapunta do’n. Di naman ako nag-aral ng nursing o medicine para makatambay roon. Saka sino namang matinong tao ang pipiliing pumunta sa morgue kesa sa cafeteria ng ospital?

Contrary to popular belief, meron namang lasa kahit papa’no yung pagkaing sine-serve sa mga ospital.

Kaya ko gustong pumunta sa morgue e para mahasa ko yung psychic abilities ko. Gusto kong malaman kung active ba o passive yung pagkakita ko sa mga spiritual/supernatural beings. Antagal ko na kasing hindi nakakakita o nakakadama. Apat na buwan na yung lumipas nung huli akong maka-experience nang kakaiba.

Naisip ko rin na sa lahat ng mga paramdam o pagpapakita sa ‘kin, lahat ‘yon e hindi kaluluwa ng patay o multo. Nakakita na ‘ko ng batang kulay puti na walang mukha, ng lalaking kulay itim na wala ring mukha, ta’s nakadinig na ‘ko ng babaeng sumisigaw na parang pinapatay at nakaamoy nang sobrang sangsang na ewan kahit yung iba kong kasama sa kwarto e walang naaamoy.

Meron once na nakasabay ko sa taxi na babaeng nakaputi raw, pero hindi ko nakita. Tinanong lang ako ng driver bago ako makababa kung asan daw yung kasama ko.

Ang pinakamalapit na experience ko sa mga kaluluwa ng patay o sa multo e sa panaginip. Nung patay yung tita ko at nakaburol sa bahay, natulog akong mag-isa sa kwarto ko, like always. Nagising na lang ako nung madaling-araw nang maramdaman kong may humawak sa mukha ko at may tumawa. Kaboses ng tita kong patay yung tumawa. Bangon ako bigla saka punta sa baba kung nasa’n yung ataul n’ya.

Isa pa e yung prof ko nung college na namatay sa road accident. Ganun din. Napanaginipan ko rin s’ya na tumatawa habang kaharap ako. Natuwa siguro dahil kinwento ko s’ya sa mga estudyante ko at sinabi sa kanila yung isang mahalagang lesson na napulot ko sa kanya.

Yun lang. Wala pang nagpapakita sa ‘kin nang harapan.

Kaya gusto ko talagang pumunta sa morgue. Baka sakaling makatsamba. Hindi naman kasi tumatalab kapag sa sementeryo. Lagi naman akong nagpupunta ro’n pero never pa ‘kong nakakita ng ligaw na kaluluwa. Siguro nakasalubong ko na sila pero di ko lang alam na patay na pala dahil kahalo sila ng mga buhay. Ewan, di ko sure.

Plano kong pumunta one of these days. Baka before Halloween para mas nakakatakot. Sino gustong sumama? Alam ko kasi pwedeng i-share yung sixth sense sa iba kapag hinawakan mo s’ya o hinawakan ka n’ya. Ano, G?