Dear Br. Armin

by Sankage Steno

Pakitulungan nga po ako. Ilang beses na kasi akong nag-blog tungkol sa martial law at kay Marcos. Nilagyan ko pa nga po ng sources na feeling ko naman ay credible. Ginamitan ko na rin ng kung anu-anong argumento. Pero marami pa rin pong naniniwala na Golden Age ng Pilipinas yung panahong ‘yon.

Heto po ang isang halimbawa. May anonymous na pumuna sa sinulat ko kahapon. Narito ang sinabi n’ya:

walang masama sa martial law ang masama ay ang mga traidor nakapalibot kay pangulong marcos ang mga unipormadong abusado at ang mga mayayaman na mga masasama gusto ng kapangyarihan kaya pinagmukhang masama si marcos para mag people power at mapatalsik sya sa puwesto ngayon bobo ka kung hindi mo iboboto si Bong-bong Marcos MACOS

Hiningal po ba kayo sa pagbabasa? Ako rin po. Mali-mali na nga po ang balarila at pagbaybay sa mga salita, hindi ko pa malaman kung saan n’ya napulot yung paniniwalang ‘yan. Hindi naman po s’ya nagbigay ng source.

Heto pa po ang isa na galing sa isang “jay”:

sabi ng ama ko ngaun na Isa sa tumayo Laban Kay marcos na halos mamatay noon ay dapat nalang daw natin Hindi pina alis si marcos..kasi kahit ganun daw ramdam niya ang magandang buhay kaysa ngaun na maslalong naghi2rap ang mga taong bayan…

Naguluhan ako lalo. Kinalaban ng tatay n’ya dati si Marcos, tapos ngayon pinagsisisihan na n’ya? Anong nangyari? Hindi ba nila alam na marami sa mga suliranin ng bansa natin ngayon ay nakaugat sa panahon ng martial law? Ipinaliwanag ko na ‘yon sa blog ko dati a. Ang labo talaga.

Kulang ba sa reading comprehension yung curricula natin sa Filipino at English? At magkakaiba po ba ng laman yung history books na pinapagamit natin sa mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan dito sa Pilipinas? Bakit magkakaiba kami ng paniniwala hinggil sa martial law at kay Marcos?

Naiintindihan ko naman po yung sinabi ninyo noong 2012, na (as phrased by the Philippine Daily Inquirer) “students should not be told straight out that martial law was good or bad, they must make that decision for themselves.” Dinagdag n’yo pa po na,

If you already teach judgment or interpretation, I don’t think that’s education.

Kung ganyan po ang susundin natin, bakit hinahayaan po natin ang ilang paaralan na ituro ang mga nasa Bibliya as facts? Bakit tinuturo rin po ng ibang paaralan ang “judgment or interpretation” pagdating sa mga nakasaad sa Bible? Na ang ganito ay masama at ang ganire ay mabuti? Para po yatang may mali.

Kung magiging consistent po tayo, dapat ganito rin ang pagtrato sa martial law years. Dapat ituro yung mga masasamang naidulot ng madilim na yugtong ito ng ating kasaysayan sa mga mag-aaral.

Kung hindi natin mamasamain yung mga nangyari noong pamumuno ni Marcos, ‘wag na rin nating masamain yung panahong naghari-harian si Hitler at ang mga Nazis. Ituring na rin po nating blessing ang apartheid, ang polo y servicio, ang caste system at ang slavery. Hayaan na lang din po nating magpasya ang mga mag-aaral kung mabuti ba ang mga ito o masama.

Br. Armin, nakasama na po kitang uminom kaya medyo alam ko na kung paano kayo mag-isip. Alam ko pong malawak ang inyong pang-unawa. Kung may mali po sa mga sinabi ko, feel free to burn me. Kontrahin n’yo po. Kung sa tingin n’yo naman po ay may punto ako, baka naman pwede nating bigyan pa ng mas malaking pansin yung pagtuturo ng history sa mababa at mataas na paaralan.

May ilang buwan pa po kayo sa serbisyo sa DepEd. May magagawa pa po kayo para mabawasan ang mga history revisionist at ang mga mangmang sa ating bansa. Umaasa po ako sa inyo. Salamat.