Stupid is forever talaga

by Sankage Steno

Nang lumabas kanina yung balitang magtatambalan sa pagkapangulo at pangalawang pangulo sina Miriam at Bongbong, agad kong napansin yung hatian sa mga nag-share ng balita sa news feed ko sa Facebook. Bale dalawa yung hatian: yung mga natuwa at yung mga nainis.

Sa hatian na ‘to, karamihan sa mga nainis o nadismaya ay yung mga kaibigan o kakilala ko sa UP, at karamihan naman sa mga natuwa ay yung mga naging estudyante ko sa Mapua. Hindi ko nilalahat. Ang sinasabi ko, karamihan.

Nasabi ko na kung bakit ayaw ko kay Bongbong at sa mga Marcos. Nasabi ko na rin yung una kong opinyon tungkol sa desisyon ni Miriam na tumakbo. I-click mo na lang ‘yang mga link kung gusto mong malaman. Hindi ko na uulitin yung mga punto ko.

Hindi ko lang din mapigilang mahati yung nararamdaman ko. Una, masaya ako dahil halos lahat ng FB friend kong taga-UP ay tutol sa pagsasanib-pwersa nina Santiago at Marcos. Pangalawa, nalulungkot ako dahil sa dami ng mga taga-Mapuang natuwa sa balita, pakiramdam ko e nabigo ako bilang isang guro.

Pampalubag-loob ko yung fact na ang itinuro ko sa Mapua ay English, Basic Research, World Literature at Technical Communication. Kung sakaling History ang itinuro ko o Social Science, hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Baka saktan ko pa yung sarili ko dahil sa dami pa rin ng mga post-EDSA Revolution babies na naniniwalang mabuti at maganda ang martial law.

Nakakalungkot isiping parang nabalewala lahat ng paghihirap at pagsasakripisyo ng buhay ng napakaraming Pilipinong lumaban sa rehimeng Marcos para lang makamit yung tinatamasa nating kalayaan ngayon—kalayaang lumabas ng bahay kahit disoras ng gabi, kalayaang mag-post ng kung anu-ano sa social media, kalayaang batikusin at punahin ang gobyerno, kalayaang manood ng kahit ano sa TV at Internet, at kalayaang gawin ang kahit anong gusto natin sa buhay.

Nakakalungkot ding isiping marami ang naloloko pa rin ng mga Marcos (isama mo na sina Estrada at Enrile) at marami ang pinipiling magpaloko.

Kung may isang magandang bagay na naidulot itong pasya ni Miriam na makipagtambalan kay Bongbong, iyon ay ang padaliin para sa akin ang pagdedesisyon para sa halalan sa isang taon. Ngayon, sigurado na akong hindi ko s’ya iboboto.