Free speech pa more

by Sankage Steno

Seryoso, natutuwa ako sa nagdaang week na ‘to dahil sa reaksyon ng netizens sa nangyaring filing of CoC sa Comelec. Na-enjoy ko talaga yung mga post at yung mga pagtatalo sa social media. Medyo nagkakulay ang pagkatao ng mga friend ko sa Facebook dahil sa pagpili nila ng kanya-kanyang manok sa darating na eleksyon. At marami akong natutunan o nalaman sa pag-iisip nating mga may access sa Internet.

For one important thing, pinapakita lang nito na totoong may freedom of speech and expression sa bansa.

At hindi maliit na bagay ‘yon.

Totoo rin namang nakakapikon yung pagpuna at opinyon ng maraming netizen, lalo na kung hindi base sa facts at evidence. Hearsay lang. Yung iba mga “bandwagoneer,” nagpapadala lang sa agos ng kurokuro mula sa mga iniidolo nila. Nagkalat din yung mga troll at mema na makakontra lang at me masabi lang. Of course, and’yan yung mga know-it-all na akala mong intelektwal at mature ang sinasabi pero biased naman talaga at myopic.

Pero ayos lang lahat ‘yan. At least nabibigyan ng pagkakataon ang maraming tao na mailabas ang kanilang saloobin at paniniwala hinggil sa mahahalagang isyu sa ating magulong lipunan, sa ating watak-watak na bansa. At least kapag nagsabi sila ng opinyon nila na taliwas sa nakararami o sa nakapangyayari, hindi sila pinipigilan, hindi sila dinadakip at hindi sila pinapaslang.

Itong bahaging ito ng ating demokrasya, buhay na buhay. Sumisipa. Umaalagwa.

Pero, syempre, kailangan din namang mag-level up ng usapan. Hindi naman pwedeng puro kababawan lang, di ba, Ate Lea? Sa ngayon, marami pa yung nakikipagtalo nang wala talagang alam o katiting lang yung alam. Again, that’s okay. Ang kabobohan at katangahan ay nagagamot. Kung bobo ka ngayon, pwede ka namang magbasa-basa o makipag-usap sa mga may alam. Napakaraming paraan ngayon para matutong mag-isip. Para maging kritikal.

Ang problema lang na nakikita ko (and please correct me if I’m wrong), mas magaling at mas masipag gumawa ng blog, ng video, ng infographic yung mga taong kulang sa kaalaman at yung mga taong nadidiktahan lang ng iba o ng salapi.

Kulang tayo sa mga writers, bloggers, graphic artists, editors, directors at speakers na bukod sa malikhain e maprinsipyo rin. Kulang tayo sa mga historians, economists, political analysts, scientists at engineers na bukod sa matalino e nagmamalasakit sa bayan at handang itama ang mali. Kung marami man sila, hindi ko nararamdaman masyado sa social media. O kung and’yan man sila sa social media, tikom naman ang bibig sa takot na makatanggap ng negative comment o backlash mula sa ibang netizens.

Kailangan pa rin natin ng mga troll at mema, oo, for entertainment siguro, for balance at para sa dagdag insights and ideas. Pero mas kailangan natin yung aktibong pakikilahok ng mga matatalino, matatapang at malikhaing mga Pilipino. Mas marami pa rin kasi ang mangmang sa bansa. Kailangang mabawasan sila at maturuang maging mas kritikal mag-isip. Sayang ang freedom of speech and expression kung puro hangin lang at walang laman.