Bangon

by Sankage Steno

Isang gabi, ako ay napabalikwas
mula sa mahimbing na pagkakatulog.
Pawis na pawis, hindi makapagpunas,
dibdib ay kumakabog na parang kulog.

Sa hindi ko mawaring kadahilanan,
puso’t isip ay lubos na nangangamba—
mulat ang mata at pinaghahandaan
ang anumang panganib na nakaamba.

Bumilang ako: isa, dalawa, tatlo,
saka tumingin sa kaliwa at kanan.
Ako lang mag-isa ang nasa kuwarto,
ngunit wari ko ay may ibang nariyan.

Kalma lang. Huminga ako nang malalim,
subalit di naibsan ang aking kaba,
bagkus ay lalo pang kumalat ang dilim
sa ibabaw at gilid ng aking kama.

Tirik na lahat ng aking balahibo
sa katawan. Hindi ako makagalaw
at namamanhid na rin ang aking ulo,
tila may pumipigil din sa pagsigaw.

Aking tinipon ang natitirang lakas,
bumilang ulit: tatlo, dalawa, isa!
Bangon agad, nakatayo rin sa wakas.
Naiwan ang aking katawan sa kama.