May isyu ka sa laway?

by Sankage Steno

Actually meron, kaya lang dahil sa peer pressure sinasabi kong wala.

Nung initiation ko sa org nung college, isa sa challenges na binigay sa ‘kin habang nakapiring ang mata e inumin yung nakalagay sa baso na puno raw ng “laway” galing sa iba’t ibang members. Syempre, hindi naman talaga laway yung laman n’ya kundi pinaghalu-halong “liquids” gaya ng pula ng itlog, toyo, patis at kung anu-ano pang di ko na inalam pa.

Bakit kailangan pa nilang sabihin na laway ‘yon, di ba? Pwede naman nilang sabihin yung talagang laman ng baso na, kung tutuusin, nakakadiri rin naman. Well, kasi nga, mas kadiri pa rin yung laway.

Kapag nag-iinuman naman, normal na yung isang baso lang ang paiikutin sa tagayan. Ayos lang sa ‘kin ‘yon kung tropa ko ang kasama. E maraming instances kasi na nasasama ako sa tomaan session na ang kainuman ko e noon ko lang na-meet. Would you swap spit with another stranger? Probably not, unless super-duper gorgeous n’ya. Yung malaengkanto ang katawan at malaanghel ang mukha, tapos ang bango-bango pa.

E kaso hinde.

Ako lang yung pinagpala sa kagwapuhan, so sila lang ang natutuwa na nalalasahan nila yung laway ko. Life is so unfair! Kung gusto nilang matikman yung laway ko, sana di na lang sila nakipag-inuman. Sana pinadura na lang nila ako. Sana hinigop na lang nila yung dura ko gamit ang straw ng Zesto! (Hindi ko sila iki-kiss, duh! Kung type ko, pwede pa.)

Nung bata naman ako, madalas nakikiinom yung mga kaklase ko sa dala kong water jug. Syempre, dahil compassionate at kind akong tao, hinahayaan ko silang uminom kahit pa nagkakapalitan kami ng laway. Ang favorite kong sinasabi lagi sa kanila pagkainom nila, “Ayan, magkamag-anak na tayo (sa laway).”

Kadiri yung thought, ‘no? Idagdag mo pa yung fact na andaming sakit na naipapasa sa laway. Pwedeng s’yang maging carrier ng bacteria o virus na, of course, makapagdudulot ng iba’t ibang karamdaman. Mababaw na yung sipon. Pinakamalala naman siguro yung HIV. But wait! Don’t be misguided.

Para mahawa ka ng HIV sa laway, kailangan mo munang lumaklak ng isang dram ng dura. Mas concentrated pa rin ang HIV sa dugo o sa semen. Sa laway, napakakonti. It’s almost negligible. So there, nilinaw ko na.

And one more thing. Kung wala kang isyu sa laway, bakit big deal kapag may nakita kang nagsasalita tapos tumalsik yung laway? Bakit diring-diri ka kapag natatalsikan ng laway? Bakit pinagtatawanan mo yung natutulog na tulo-laway? Bakit hindi mo dinidilaan yung mga dura sa gilid ng kalsada? Bakit di mo sinasalok yung dura ng jeepney driver? Bakit di ka nagbabaon ng dura sa school o sa office para inumin later?

Hindi pala s’ya one more thing. Many things pala. Sorry.

Andami kong kuda. Pasensya naman. Wala talaga akong isyu masyado sa laway. Ngayon lang. Naiinis ako kasi kanina pa ‘ko hindi makadura. Anlayo kasi ng CR dito sa pwesto ko sa office. E sinisipon pa naman ako ngayon. Nilulunok ko na lang yung kalagara ko. Ang alat kaya n’ya, I swear. Gusto mo? Kiss kita dali!