Saka ako nagpakamatay

by Sankage Steno

Nakakwentuhan ko si Murakami noong isang gabi. Nagising kasi ako bigla, ta’s takot na takot ako kahit di naman ako nanaginip nang masama. Wala rin naman akong naramdamang masamang espiritu sa kwarto ko. Basta natakot lang ako biglang mamatay.

Kaya naisipan kong puntahan sa kwarto n’ya si Murakami. Pagpasok ko sa silid n’ya, nakita kong nakaupo lang s’ya sa gilid ng kama. Ta’s sumenyas s’ya na tabihan ko s’ya. Sumunod naman akong parang tuta. Ta’s nanahimik lang kami ng mga limang minuto siguro. Nu’ng di ko na kinaya ang katahimikan, nagsalita na ‘ko ng unang pumasok sa isip ko.

Sabi ko sa kanya, “Alam mo, kahit puro suicide at kamatayan yung laman ng mga kwento mo, kahit puro pain at pighati, kapag natatapos ko yung nobela mo, lalo kong gustong mabuhay.”

Poker face lang s’ya.

Ang awkward lang. Hindi s’ya nagsalita agad, so ako muntanga lang. Para akong nakipag-usap sa hangin. Tinitignan ko lang yung pores sa gilid ng ilong n’ya, saka kung pa’no yung pagkasingkit ng mga mata n’ya. Napansin kong iba s’ya sa pagkasingkit ng mata ko. Magtatanong sana ako ng isang generic na question nang bigla s’yang nagsalita.

“Hindi kabaligtaran ng buhay ang kamatayan,” sabi n’ya. “Parte ng buhay ang kamatayan.”

Namangha ako. Nagtatagalog pala si Murakami. Akala ko kaya di s’ya makasagot e dahil di n’ya ‘ko naintindihan. Antanga ko rin naman kasi tinagalog ko s’ya. Ganito talaga ako kapag napuputol yung mahimbing na tulog. Parang naka-jutes lang.

“May tama ka d’yan,” sagot ko. “Alam mo, sa ‘min dito sa Pinas, bihira naming pag-usapan yung kamatayan. Kahit ‘pag nasa burol ako o sa sementeryo, bihira naming pag-usapan ang tungkol do’n. Laging ang topic e tungkol sa buhay ng namatay o sa buhay-pag-ibig naming mga nabubuhay pa. Medyo paulit-ulit na minsan kaya boring.”

Hindi na naman n’ya ‘ko sinagot.

Pagkalipas ng ilang awkward na minuto, tumayo s’ya at lumapit sa bintana. Dahan-dahan n’yang binuksan ‘yon. Akala ko naman magpapahangin lang. Mali ako. Umakyat s’ya at saka biglang tumalon para magpakamatay.

Nagtimpla ako ng kape at bumalik sa sarili kong kwarto.

Pagbukas ko ng pinto, nakita ko si Tyler Durden na nakaupo sa kama ko. Inabot ko sa kanya yung kape. “Thanks,” sabi n’ya. Saka ako tumabi sa kanya.

“Sa tingin mo, ilang taon ka mamamatay?” tanong ko.

“39.”

“Ambata naman.”

“Life begins at 40, so I’ll die a year before that.”

“Ooh, pwede.”

Natahimik kami pareho. Pinanood ko lang s’yang uminom ng kape. Hindi s’ya tumitingin sa ‘kin. Hindi ko rin naman inaalis yung tingin ko sa kanya. Quits lang. Nang matapos s’ya sa iniinom, inabot n’ya sa ‘kin yung tasa na s’yang pinatong ko naman sa sahig.

Pagkatapos, pumunta ako sa bintana at binuksan ‘yon. Bago pa ‘ko makaakyat, bigla s’yang nagsalita, “Buhay mo ‘yan. Kada minuto, unti-unti s’yang natatapos.”

Saka ako nagpakamatay.