Paramdam

by Sankage Steno

Baka manood muna ako ng Paranormal Activity: The Ghost Dimension o ng The Last Witch Hunter sa Greenbelt mamaya habang nagpapalipas ng oras. Ganyan ako. Maraming pera saka maraming time. Di ko na nga alam ang gagawin ko minsan dahil sa sobrang dami. Bigyan kita, gusto mo?

Seriously though, may lakad ako mamaya pero di ko sasabihin kung saan dahil baka abangan mo ‘ko sa kanto. E dahil gabi pa naman s’ya, kailangan kong magpalipas ng oras. At dahil mahilig ako sa nakakatakot na pelikula, baka manood muna ako kahit ako lang mag-isa. Isa pa, nami-miss ko na rin yung mga kaibigan kong multo at demonyo. Antagal na nung huli ko silang makita.

Kung tama ang pagkakaalala ko, June pa yung huli nilang paramdam sa ‘kin. After nu’n, hindi na naulit pa. Nakaka-miss din kasi yung feeling na takot na takot ka at wala kang magawa. Iba yung high na binibigay nu’n sa ‘kin. Parang namamanhid yung buo kong katawan pero heightened lahat ng senses ko, ta’s nakatindig lahat ng balahibo ko at pinagpapawisan ng malamig. Heaven, pramis. Nakakaadik s’ya.

Kaya tuloy ngayon, kapag nagigising ako ng alas-tres ng madaling-araw, pinapakiramdaman ko talagang maigi yung paligid. E madalas nga ngayon wala yung mabigat na feeling. So ang ginagawa ko, kinakausap ko yung mga entities sa paligid. Oras na magising ako, sasabihin ko agad, “And’yan ba kayo? Magparamdam naman kayo sa ‘kin. Takutin n’yo ‘ko please.”

Wala pang sumasagot sa ‘kin so far.

Minsan kasi mas masarap o mas exciting kausap yung mga patay o yung mga supernatural beings. Hindi mo nga lang sila makakausap about sa love life, pero pagdating sa other stuff, du’n sa mga philosophical at metaphysical subjects, ay, grabe, kulang ang isang gabi para sa huntahan. Kahit pa nga di sila nagsasalita minsan, may makukuha kang meaning at new perspectives.

Di katulad ng ibang buhay na nakakausap ko. Walang sense. Ambabaw ng topic lagi. Puro tungkol sa career at sa love life. Yun lang ba laman ng buhay n’yo? What about death? Let’s talk about death. And ideas. Anong bagong idea mo para sakupin ang mundo? Also, legacy. Anong gusto mong iwan sa mundo kapag namatay ka na? Or loneliness. What is the essence of loneliness?

Di ba? Maraming lonely sa mundo, pero walang gustong pag-usapan ang loneliness. Well, at least in my case, ganu’n ang nangyayari. Bihirang maging topic ng usapan ‘yan kapag buhay ang kausap ko. Kaya madalas tuloy lalong umiigting yung pakiramdam na mag-isa lang ako sa universe, at hindi ko alam kung pa’no makakatakas sa pakiramdam na ‘yon.

Kaya kahit nakakatakot, nae-enjoy ko kahit papa’no yung mga nagpaparamdam sa ‘kin kapag kalaliman ng gabi. Nabubuhayan ako ng dugo. Pero sana talaga sa next na inuman ko o sa next na kitaan ng tropa, mapag-usapan kahit yung loneliness lang. Kahit yun lang talaga.

Everybody’s looking for a way out of loneliness… Mine’s probably pointing down to the world of the dead. Du’n, sure akong may forever.