Grab Car

by Sankage Steno

Galing ako sa house warming ng isa kong kababata kagabi at mga 3:30 na ‘ko ng madaling-araw nakauwi. Hinatid ako ng dalawa kong kaibigang magkasintahan dun sa may kanto ng Shell somewhere sa EDSA. Dalawang kanto pa ang layo ng tinutuluyan ko ro’n at mga limang minuto pang lakaran.

Pagkababa ko ng kotse nila, natanaw ko ilang metro mula sa gas station yung isang babaeng may kausap sa phone. Nakasuot s’ya ng puting scrub suit, so feeling ko nurse s’ya sa St. Luke’s at papasok (or uuwi na, di ko sure) siguro. Saglit lang s’yang may kausap sa phone, then biglang may humintong Toyota Vios na kulay silver sa tapat n’ya.

Baka nag-GrabCar si ate at yung driver ang kausap n’ya sa phone kanina. Dahil siguro sa nakasanayan ko na kapag naghahatid ng kaibigan sa mga lakad ko, tinignan ko yung plate number ng kotse at sinaulo ko: AAH 1165.

Tapos, naglakad na ‘ko pauwi sa inuupahan kong bahay. Bilog pala yung buwan kagabi, ta’s may mangilan-ngilang bituin sa langit na hindi natatakpan ng ulap. So nakatingala ako habang naglalakad. May mahinang hangin din na umiihip kaya enjoy yung paglalakad ko kahit antok na antok na ‘ko.

Pagdating ko dun sa sumunod na kanto, napababa yung ulo ko sa pagkatingala kasi biglang may bumusina sa ‘kin. Hinto agad ako. Ta’s pagtingin ko dun sa papalapit na sasakyan galing dun sa kalsadang nagkukrus sa dinadaanan ko, nakita ko yung isang kotse. Toyota Vios ulit. Kulay silver. Automatic, tinignan ko yung plate number: AAH 1165.

Yung GrabCar kanina, sabi ko sa isip ko. Ba’t ambilis yatang nakaikot mula sa EDSA? Ta’s inisip ko kung bakit sa kabilang kalsada pa s’ya umikot kung dun lang din naman pala ang daan n’ya sa kalyeng nilalakaran ko. Dedma na lang. Hanggang sa makita ko yung nasa loob ng kotse.

Yung driver, na hindi ko napansin kanina yung hitsura, e nakatingin pala sa ‘kin. At wala s’yang mukha. Seryoso. Hindi ko alam kung namalikmata lang ako dahil sa sobrang antok, pero alam ko talagang medyo nakabaling yung mukha n’ya sa direksyon ko habang nagda-drive, at wala talaga akong nakitang mata o ilong o bibig. Blangko lang.

Ta’s tinignan ko yung nasa likuran n’ya, yung babaeng nakaputing scrub suit na sumakay kanikanina lang. Andu’n pa rin s’ya, pero pagtingin ko sa ulo n’ya, wala ring mukha. This time naman, hindi s’ya nakatingin sa ‘kin. Diretso lang yung ulo n’ya, nakatingin dun sa dinadaanan nila, pero wala talaga akong naaninag na tenga o kahit isang mata.

Maliwanag dun sa kanto dahil sa poste ng ilaw kaya alam ko yung nakita ko. Pero yun nga, antok na antok na ‘ko kaya baka na-imagine ko lang din yung nakita ko.

Pagdating ko sa office kaninang umaga, chineck ko agad yung mga news website na lagi kong pinupuntahan para maghanap ng balita tungkol sa mga aksidente. Inisip ko kasi na baka naaksidente yung Toyota Vios na nakita ko kagabi. Wala naman akong nabasa. Saka ang alam ko, sa mga urban legend, dapat walang ulo yung nasa sasakyan kung may mangyayari mang masama sa kanila. E yung nakita ko, walang mukha pero may ulo.

Inaalala ko ulit yung pagkakasunud-sunod nung pangyayari kaninang madaling-araw. Ta’s naisip ko, pagkababa ko sa gas station, hindi ko na rin nga pala naaninag kung may mukha yung babae at di ko rin nakita masyado yung driver nung sinundo n’ya yung babae. So baka dun palang, wala na silang mukha. Dinaanan lang ulit ako sa may kanto para ipakita sa ‘kin na faceless sila.

#Ediwow

Sila na hindi kailangan magpa-derma.