Tiningala ko yung langit at tinignan kung may mga tala

by Sankage Steno

May tatlong asong tumambad sa ‘kin pagkabukas ko ng gate kaninang madaling-araw. Ang dalawa sa kanila ay kulay brown, yung isa black and white, lahat patpatin. Hindi ko alam kung sino yung mas nagulat sa amin, ako ba o sila, pero alam kong mas natakot sila dahil agad silang umatras at tumakbo papalayo.

Paluwas ako ng Maynila. Tuwing Lunes ng ganitong oras, witching hour, umaalis ako para makasakay ng bus na diretsong Pasay. Mabilis kasing maubos yung bus sa ganu’ng byahe kaya inaagahan ko talaga. Isa pa, iwas-traffic. Kanina, habang naglalakad papunta sa kanto, du’n sa abangan ng tricycle, naalala ko yung nangyari kagabi. Marahil pinaalala ng tatlong asong nakaharap ko kani-kanina lang.

Pagkauwi ko galing sementeryo, pumasok yung kapatid kong babae sa kwarto bitbit yung kanyang baby. Tinanong n’ya ‘ko, “Kuya, tumutunog ba yung kama n’yo?” Ang ibig n’yang sabihin, may narinig s’yang parang bumangon o naupo sa kama ko, dahilan para lumangingit ito at tumunog, kahit wala namang tao sa loob. Panay rin daw ang tahol ng aso namin sa kung anong s’ya lang ang nakakakita.

Nabuksan ulit yung third eye ng kapatid ko pagkatapos manganib ang buhay n’ya pagkapanganak.

Gaya ng nakagawian na namin, saglit kaming mag-uusap tungkol sa mga di-maipaliwanag na paramdam o pangitain, magkakatakutan, ta’s babalik na sa kanya-kanya naming ginagawa—sila sa panonood ng TV, ako sa pagtunganga habang tulalang nakatingin sa kisame ng aking silid.

Nang malapit na ‘kong agawin ng tulog, biglang pumailanlang yung tunog ng bumagsak at nagpaikut-ikot na bandehado sa aming kusina. Walang may gustong tumingin kung ano ‘yon. Lahat busy. Bumangon ako at bumaba papuntang kusina, iniisip pa rin yung sinabi ko nung kumuha ako ng inumin bago matulog, “Multo, where are you? Show yourself.”

Takot ako sa multo, pero kaya kong labanan yung takot ko. Isa pa, mas takot ako sa buhay, kasi kaya nila akong patayin.

Pagdating ko sa kusina, naaninag ko pa yung paa ng kulay itim at puting nilalang na tumagos sa pinto. Taragis ‘yan, pusa lang pala. Akala ko makakakita na ‘ko ng nakakatakot na nilalang. Dismayado, sinara ko yung pinto sa kusina at ibinalik sa dating pwesto yung nahulog na bandehado. Kailangan din namang kumain ng mga pusa. At kailangan ko nang matulog dahil maaga pa ‘kong luluwas.

Habang naglalakad papunta sa kanto, tiningala ko yung langit at tinignan kung may mga tala. Meron naman, mangilan-ngilan, pero alam kong marami sila. Hindi ko lang maaninag lahat dahil bahagya akong nabubulag sa mga ilaw na nakakabit sa mga poste sa kalsada. Ang totoo, nililibang ko lang yung sarili ko para hindi ko masyadong maisip na mag-isa lang ako sa kalyeng iyon, na malamig ang hangin at sobrang tahimik.

Pagliko ko sa unang kanto, natanaw ko na yung paradahan ng tricycle. Walang laman. Hindi na ‘ko nagtaka. Malamang puyat silang lahat dahil dumalaw sa mga yumaong mahal nila sa buhay sa sementeryo kagabi. Nagpasya na lang akong maglakad hanggang sa terminal ng bus.

Maglakad mag-isa sa kalsadang kakarampot ang liwanag.

Malapit na ‘ko sa pangatlong kanto; lima pa bago ako makarating sa bayan at sa terminal ng bus. Sana may makasalubong akong tricycle na walang sakay. O kahit may sakay, makikiangkas na rin ako. Maliban na lang siguro kung yung sakay e pugot ang ulo o walang mukha. Maglalakad na lang ako kahit mabagal.

At dininig yata ng buwan at mga bituin yung hiling ko. Wala akong nakasalubong na tricycle, pero may narinig akong humaharurot sa likuran ko. Hindi ko muna nilingon, hinintay kong makalapit. Papalakas nang papalakas yung tunog ng motor, doppler effect. Nung alam kong mga ilang dipa na lang ang layo nito sa ‘kin, saka ako lumingon. Bumusina yung driver na sinagot ko naman ng isang kaway.

Huminto yung tricycle sa gilid ko. Kahit gustuhin ko, hindi ko nagawang makita yung mukha ng driver. Masyado kasing mababa yung bubong ng upuan ng pasahero. Hindi rin naman yumuko yung driver para aninagin ako. Ni hindi nga rin n’ya tinanong kung sa’n ako pupunta. Hindi ko rin naman sinabi kung saan. Basta nagkaintindihan na lang kami dala ng aming sitwasyon. Hindi na kailangan pa ng salita para magkaalaman.

Saka muling humarurot yung tricycle pasulong.