Sagada Weaving

by Sankage Steno

Pagbalik ko sa Sagada ngayong buwan (di ko sasabihin kung kailan mismo), baka bumili ako ng panibagong bag sa Sagada Weaving. Mahigit tatlong taon ko na kasing ginagamit yung kulay pula kong bag na nabili ko sa kanila. Buo pa naman s’ya at wala pang kasira-sira, maliban na lang sa medyo kinakalawang nang bakal sa gilid. Pero nagagamit ko pa rin s’ya.

Sa katunayan, yun ang lagi kong dala kapag pumapasok sa opisina, kapag lumuluwas sa Maynila o dumadalaw sa mga probinsya ng ating bansa. Kapag umaakyat ako ng bundok, tumatawid ng ilog o dagat, at nagpaparoo’t parito sa kinalakhan kong lalawigan, yung Sagada Weaving na bag ang lagi kong kaagapay… ang dakilang tagabitbit ng aking mga gamit.

May kapareha nga s’yang coin purse, kaso hindi ko na masyadong nagagamit dahil napalitan na ng nabili ko sa Batanes. Yari naman s’ya sa rattan kung di ako nagkakamali. Kung gusto mo nung coin purse kong Sagada Weaving, sabihin mo lang, regalo ko na sa ‘yo sa pasko. ‘Wag kang mag-alala, lalagyan ko naman ng laman para swerte.

Yung Sagada Weaving na bag ko nga pala ay nabili ko sa halagang P600. Taong 2012 pa ang presyong ‘yan kaya baka nagtaas na sila ngayon. Malalaman ko pagbalik ko roon. Ikumpara mo naman ang halagang ‘yan sa nabili kong duffel bag sa SM, P900. Yung bag ko sa Sagada, ilang taon ko nang gamit, wala pang kasira-sira. Yung sa SM, wala pang isang taon, tastas na agad yung tahi sa gilid.

Bukod sa matibay, nagagandahan din ako sa anyo n’ya, sa kanyang dibuho o pattern. Bagay na bagay s’ya kapag ang suot kong pang-itaas ay plain lang ang disenyo o iisa ang kulay. Gustung-gusto ko s’yang kapareha ng kulay bughaw kong polo.

Ang alam ko, kagaya ng maraming kultura sa buong mundo, may ibig sabihin o kwento ang bawat dibuhong makikita sa tela ng mga katutubo. Hindi ko lang alam, nakakahiya man, kung ano ang kwento ng sa Sagada Weaving. Isa ‘to sa mga aalamin ko kapag pumunta na ulit ako roon.

Nasasabik na tuloy akong bumalik ng Sagada. Hindi lang kultura, tao, tanawin, pagkain/inumin at yung lamig ang binabalik-balikan ko roon. Pati yung kanilang produkto, yung kanilang obra maestra, gusto ko. Walang halong pambobola ‘yan.