Ngasab

by Sankage Steno

Habang nagpapahangin sa labas ng opisina namin at nagsusunog ng baga, may lalaking naka-corporate attire ang tumabi sa aking kaliwa. Akala ko magsusunog din ng baga, di pala. Nilabas n’ya sa plastik yung binili n’yang banana cue at dahan-dahan itong sinubo. Hinahangin pa yung nakataas n’yang buhok na kala mong s’ya si Beyonce kapag nagpe-perform.

Ako naman, dedma lang. Tuloy pa rin sa pagpapausok sa ilalim ng puno.

Tapos, sumubo na naman s’ya nang pagkalambing-lambing, dinadama talaga ang bawat kagat sa matataba n’yang saging. Kung tinitigan ko lang siguro s’yang mabuti, baka nakita kong napapapikit pa s’ya sa sarap.

Sa loob-loob ko tuloy, nilalandi ba ‘ko nito? Kuya, teka lang, ‘wag dito. Maraming tao, nakakahiya. Get a room. Sunod ako. #wuw

Hanggang sa narinig ko na s’yang ngumuya. Susmaryosep. Parang kambing. O baka? Alin sa dalawa. Ngasab kung ngasab. Major turn off! Sayang, cute pa naman s’ya; medyo maliit nga lang, saka payat. Buto-buto, ganyan. Wala masyadong laman, pero pwede na. Laman-tiyan din naman. Aarte pa ba? E kaso nga ngumangasab. Hindi ko talaga kaya. Ang arte?

Sorry naman. Maarte talaga ang inyong lingkod. Kaya tingnan mo, ayan, mag-isa pa rin hanggang ngayon. Choosy kasi. Dami pang alam. Mahirap talagang makahanap ‘pag ganyan ang specs mo sa buhay. Oh well, ayoko rin namang mag-settle for less. Gastos lang kapag kung sino-sino d’yan. Lugi.

Pero, yun nga, mega ngasab si kuya. Hindi ko naman hinuhusgahan ang pagkatao n’ya. Malay ko ba kung ba’t ganun s’ya kumain. Baka sa bahay nila, mas malakas ang ngasab, mas pinapaboran ng magulang. Kasi nga naman mukang sarap na sarap sa luto ni nanay. O pwede rin namang bihira lang s’yang makakain, kaya ‘pag merong pagkain, go! Attack on Titans!

Hinusgahan ko na s’ya, fine. I’m so sorry. Bae, bati na tayo. Tara na sa room.

Bonus Story:

Pagbalik sa desk ko sa opisina, saktong papaalis na yung boss ko. Bago s’ya yumao, nagkwento pa. E dahil expat s’ya, English ang usapan. So salita s’ya, ganyan, blah… blah… Ako naman, nakikinig, pero dahil may iba akong ginagawa, di ko nakuha lahat ng sinasabi n’ya.

“And this funny thing happened,” sabi ni boss habang tumatawa.

“Yeah,” sabi ko na nakanganga pa para ready sa tawa kong peke.

“So this and that… blah… blah…” Tawa s’ya nang malakas.

Tumawa na rin ako. “Ha! Ha! Yeah!” Syempre, boss ‘yon e. Sa loob-loob ko, “Shet, this is so funny. Di ko na-gets yung sinabi n’ya pero tumatawa ako. It’s so hilarious. Oh gosh, I cracked myself up.” So awkward.  Pwede na ‘ko sa showbiz. #Plastik