Naalala mo ba?

by Sankage Steno

Baka nakalimutan mo na: Dalawang taon na yung lumipas mula nang hagupitin ni Yolanda ang Kabisayaan kung saan mahigit 6,000 ang nasawi. At dalawang linggo naman mula ngayon, gugunitain natin yung ikaanim na taon ng Maguindanao Massacre kung saan 58 ang pinatay, karamihan ay journalists.

Nakabangon na ba yung mga taga-Tacloban at yung iba pang tagalalawigang nasalanta ng bagyo?

Oo, pero marami pa rin sa kanila ang walang matinong tirahan. Yung tipong yari lang sa pawid, sa manipis na kahoy, na kung madaanan ulit ng bagyo ay siguradong tutumba o liliparin, at maglalagay sa panganib sa mga taong nakatira roon. Marami pa rin ang walang mapagkakitaan at umaasa sa limos dahil sinira ng delubyo ang kanilang kabuhayan.

Sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga pinaslang sa Maguindanao noong Nob. 23, 2009, nakamit na ba nila ang hustisya?

Hindi pa. Hanggang ngayon, nasa korte pa rin ang kaso at wala pang desisyon. Namatay na’t lahat yung isa sa mga malalaking suspek, wala pa ring napapatawan ng parusang matindi. Yung ilang pamilya, baka nga nakipag-areglo na para lang matapos na.

Idagdag na rin natin dito yung kalagayan ng mga lumad (na ngayo’y narito sa Kalakhang Maynila para ipaalam ang kanilang kalagayan), gayundin yung mga Bangsamorong naghahangad ng panibagong awtonomiya sa ilalim ng Konstitusyon.

Ganito ang kalagayan ng maraming Pilipino sa Visayas at Mindanao. Habang tayo namang mga nasa Luzon, abala na sa paghahanda para sa nalalapit na pasko. Yung iba, abala sa kanya-kanyang lakad sa isang linggo kung saan may dalawa, apat o pitong araw na walang pasok dahil sa APEC Summit.

Isama na rin natin ang isa pang paparating na long weekend sa katapusan ng buwan, sa kaarawan ni Bonifacio. Siguradong marami ang magpupunta sa Sagada para humugot sa Mt. Kiltepan. Ha! Ilan lang ba sa atin ang may alam na para sa kaarawan ni Bonifacio yung araw na ‘yon?

Napakaraming “ganap” dito sa Luzon, dito sa Maynila, na halos wala na tayong panahong alalahanin yung ibang Pilipino sa ibang panig ng Pilipinas, yung mahahalagang pangyayari sa katiting nating kasaysayan na kailan lang naman nangyari.

Hindi po Pilipinas ang Luzon, at lalong hindi Pilipinas ang Maynila. Dalawin mo naman yung iba nating kababayan kahit sa payak na pag-alala lang sa kanilang mga pinagdaanan sa buhay. Wala kasi akong mabasa o makitang post tungkol sa Yolanda sa Facebook. Isa o dalawa pa lang. Ito yung pangatlo.

Andali talaga nating makalimot.