Si Andres

by Sankage Steno

Ang karugtong

Pagkatapos ng mga paramdam sa akin noong June, naisipan kong bumili ng gitara para magkaroon ng konting ingay sa kwarto ko. Pantanggal ng bad spirits ba, although of course di ako naniniwala du’n. Yung una kong binili na pam-beginner lang e nasira na after three months, so bumili ako ng standard guitar na medyo mahal. Yun na ang bago kong kasa-kasama sa kwarto gabi-gabi.

Mapayapa na ulit yung mga gabi ko. Pag-uwi galing trabaho o lakwatsa, tutugtog muna ako ng ilang awitin na minsan e sinasabayan ko na rin ng pagkanta bilang pampakalma o pampaantok, saka ako mahihiga na sa kama. For a couple of months, wala ngang nanggigising sa ‘kin, maliban na lang kung may mga nag-iinumang kapitbahay.

Until this week came.

Bago naulit yung paramdam ngayong linggo, nagkaroon muna ako ng “recurring” dreams nitong mga nagdaang araw. Nung una, balewala lang sa ‘kin kasi di naman nakakatakot. Pero ngayon, medyo nabibigyan ko na ng meaning dahil sa recent events nga.

Ang laging laman ng panaginip ko e nasira raw yung gitara ko. Na gaya nung nangyari sa una kong binili e nasira nga. Tapos, nung may bago na ‘kong gitara, nanaginip ulit ako na nasira s’ya. Sa panaginip, bad trip na bad trip ako lagi kasi akala ko totoong nasira yung instrumento ko, pero pagkagising, okay na ulit ako kasi nga panaginip lang pala.

Yung huling panaginip ko na nasira yung aking gitara, me isang character na hindi ko makalimutan. Sa panaginip, parang matagal na kaming magkakilala, na magkaibigan kami noon pa. Pero in real life, hindi ko talaga s’ya kilala. I’m also quite sure na hindi ko pa s’ya na-encounter kahit once sa buhay ko. Ang catch, may pangalan s’ya.

Siya si Andres.

Hindi ‘yan ang tunay n’yang pangalan sa panaginip ko, pero close. Ayoko kasing sabihin talaga dahil baka maging permanente na s’ya sa kwarto ko o sa buhay ko. Parang hindi masaya ‘yon.

Anyway, si Andres ay lalaki (obviously), fair ang balat (hindi maputi at hindi rin maitim), payat, medyo kulot o wavy ang buhok na mahaba sa karaniwang gupit ng mga lalaki at hindi attractive. Hindi s’ya pangit, ok? Pero hindi rin s’ya gwapo. Normal looking. Just another face in the crowd, ganyan. S’ya yung major character sa dream ko nung nasira yung bago kong gitara.

Kaya nung pagkagising ko, yung pangalan n’ya ang ipinangalan ko sa bago kong gitara… Andres.

At mula noon, kapag tumutugtog ako, mas parang may connection na kami nung gitara ko, so feeling ko e gumaling ako nang slight. Anyway, pwedeng imagination ko lang lahat ‘to, ‘no? Baka naman dahil lagi akong naggigitara ngayon e gumaling na nga ako nang bahagya. But the connection is real. Mas close na ‘ko sa gitara ko ngayon.

One night, bago matulog, kinuha ko yung gitara ko. Tandang-tanda ko na nung huli ko s’yang ginamit, ipinatong ko yung tuner sa katawan ng gitara. Pero nung gabing ‘yon, nawala. Hanap ako nang hanap. Nakita ko na lang na nakalagay s’ya sa isang sulok ng kama.

Nung time na ‘yon, inisip ko na baka may nakialam lang ng gitara ko nung nasa trabaho ako. Baka yung ibang nakatira sa bahay na inuupahan ko (which is nakakainis kung pinapakialaman nga nila yung gamit ko nang walang paalam).  Pero iba na kutob ko ngayon dun sa tuner na naiba ng pwesto.

Nung nagbalik yung paramdam sa akin nitong linggo, ang constant na pakiramdam ko maliban sa kaba o takot e yung may nanonood sa ‘kin habang natutulog. And, coincidentally, alam ko kung sa’n nanggagaling yung “aura” nung nanonood: dun sa kabilang kama kung saan nakalagay yung aking gitara, si Andres.

Kaya, ayun, baka naimbita ko yung “something” unintentionally kaya nararamdaman ko s’ya every night. Baka nag-latch s’ya sa gitara ko, parang sinapian, ganyan. So far, wala pa namang nangyayaring masama. Hindi pa naman ako ginugulo o pinupuyat nang matindi. At baka dala lang lahat ito ng malikot kong guniguni. Kaya next time, kapag nagparamdam s’ya ulit, kakausapin ko na nang totoo si Andres.

https://i2.wp.com/www.themusiczoo.com/images/2-09-12/7308_AC_5E_STRST_SK11072435_a.jpg