You’ll live

by Sankage Steno

Mainit kasi sa bahay at maingay kaya dumadayo pa ‘ko minsan sa kapihan para lang magbasa ng libro. Hindi ko pa rin tapos yung memoir ni J.R. Moehringer pero lampas kalahati na ‘ko. Kahapon, habang nasa Bo’s Coffee, lalo akong bumagal sa pagbabasa dahil natitigilan ako dun sa mga kwento n’ya tungkol sa kanyang nanay at dun sa nakilala n’yang pari sa may bar sa loob ng tren. Unahin ko yung sa pari.

Tatagalugin ko na lang para mas maganda ang bagsak.

“Alam mo ba kung bakit inimbento ng Diyos ang mga manunulat?” tanong ng pari kay J.R. “Kasi mahilig Siya sa magagandang kwento. At wala s’yang pakialam sa mga salita. Ang mga salita ay kurtinang isinasabit natin sa pagitan ng Diyos at ng totoo nating pagkatao. ‘Wag mo masyadong intindihin yung mga salitang gagamitin mo. ‘Wag kang magpakahirap na buuin ang perpektong pangungusap. Walang gano’n. Ang pagsusulat ay panghuhula. Ang bawat pangungusap ay isang matalinong hula…”

Perfect timing.

Alam mo kasi, isang taon na ‘kong nag-iisip ng bagong nobelang isusulat. Hanggang ngayon, hindi pa rin buo yung ideya ko. May mga notes, mga plot at characters, pati setting, pero kalat-kalat pa lahat. So parang wake-up call sa ‘kin yung nabasa kong ‘yan sa memoir. Nu’ng isang taon kasi, may natapos ako. Hindi ako nagagandahan sa kanya masyado, pero at least may natapos akong isulat. Proud ako do’n. E ngayon, wala pa talaga. May dalawa akong nasimulan, pero di ko natapos. Kinatamaran ko na.

Mahirap ding magsulat, a. Kala mo?

Kaya pipilitin kong magsulat ngayong linggo. Sakto kasi may dalawang araw akong pahinga. Hindi muna ako gagala. Haharap muna ako sa blangkong papel at paduduguin ang utak ko hanggang sa lumabas yung kwentong matagal ko nang gustong isulat. Ito yung sakit ng ulong nae-enjoy ko e.

Mabalik ako sa libro ni J.R., itong The Tender Bar. Kung ikukumpara sa memoir ni Frank McCourt na Angela’s Ashes, masasabi kong mas maganda ‘tong huli dahil punto de bista ng isang bata yung ginamit n’ya. Yung kay J.R., maganda rin s’ya, pramis, pero normal na boses ang gamit n’ya kaya di masyadong tagos sa puso. Until mabasa ko yung kwento n’ya nu’ng minsang sinundo s’ya ng nanay n’ya sa airport galing sa Yale.

Sinabi n’ya sa nanay n’ya na in love daw s’ya. Tuwang-tuwa naman si mudrakels. Sabi n’ya sa anak, “J.R. falling in love is a blessing. Try to enjoy it.”

“E pa’no kung masawi ako sa pag-ibig?” tanong ni J.R.

Tumitig lang sa ibabaw ng ulo n’ya si mudra.

“Mom?”

Blangko pa rin.

“Mom?”

Ibinaba ng nanay n’ya yung tingin sa kanya.

“You’ll live.”

Aray ko. I swear, antagal kong nakatulala lang sa malayo nu’ng nabasa ko ‘yan. Kung may nakatingin lang sa ‘kin, baka isiping kakalabas ko lang sa Mental Hospital sa Mandaluyong, du’n sa Ward 11. Baka isipin nilang hindi pa ‘ko magaling, kasi bigla na lang akong nagiging catatonic. Muntanga lang talaga ako kapag nagbabasa minsan. I’m sure naiintindihan mo ‘ko kung mahilig ka ring magbasa. Di ba? Apir!

Kaya habang hindi pa buo yung ideya ko sa bago kong nobela, magbabasa muna ako. Huhugot muna ako ng inspirasyon sa ibang magagaling na manunulat na nauna na sa ‘king makatapos ng isang magandang kwento. Hindi ako magpapahuli, kala n’yo!

https://i1.wp.com/ocpe.vcu.edu/media/ocpe/images/memoir.jpg