Pormahang APEC

by Sankage Steno

Kung di pa dahil sa skyscrapers iisipin kong nasa Davao City ako kaninang umaga. Andami ko kasing nakitang pulis at sundalo habang naglalakad papasok sa opisina. Bawat kanto rito sa business district ng Makati, merong nakaistambay. Feeling ko tuloy andami kong bodyguards.

Wew, VIP pala ako.

Buti na lang maganda suot ko ngayon, pang-semi-VIP. Naka-cream akong trousers na nabili ko nang sale sa Human, tapos yung pantaas ko naman e puting polo na long sleeves na G2000 ang tatak pero nabili ko lang talaga sa ukay-ukay d’yan sa may Buendia, malapit sa MRT station. Yung sapatos ko naman, kulay brown; Salvatore Mann ang tatak at nabili ko sa SM. Itinerno ko syempre yung belt, kulay brown din. McJim ang tatak.

Di naman masyadong mamahalin yung mga suot ko. Pang-middle class lang na nagpipilit umakyat ng social class, ganyan. Pero poging-pogi pa rin naman ako pati yung feeling ko. D’yan ako magaling e. Naks!

Anyway, so yun nga, nagbuhat na naman ako ng bangko. Pero kanina talaga nate-tempt na ‘kong magpabuhat sa mga sundalo para ihatid sa office. Kunwari matatalisod ako ta’s mababalian ng alak-alakan, ganyan. Syempre tungkulin nilang tulungan yung sibilyan. O kahit pairalin lang nila yung kanilang compassion. Nahiya lang ako sa balat ko kaya di ko tinuloy. Ayoko ring madumihan yung suot ko. May lakad pa ‘ko mamayang gabi.

Kung sana ba eĀ ganito ka-visible yung mga pulis at sundalo natin dito sa Metro Manila araw-araw, e di hindi na maglalakas ng loob na magnakaw yung mga magnanakaw. For sure, mababawasan ang krimen dito sa National CR. E kaso ngayon lang sila visible nang ganito katindi dahil nga APEC. Maraming bigatin ang darating at kailangang protektahan.

Sino ba naman kaming mga normal na tao para protektahan ng mga sundalo’t pulis, di ba? Tax lang naman namin ang nagpapasweldo sa kanila. Hay.

Sana APEC na lang araw-araw.

Flipped
Nung nasa fringes na ‘ko ng Ayala Triangle, dun ko nakita yung pinakamaraming kumpol ng mga sundalo’t pulis. Tinititigan ko talaga sila isa-isa habang naglalakad. Natutuwa talaga ako kasi andami nila ta’s feeling ko nga ako yung binabantayan nila. Kanya-kanyang trip lang ‘yan. Minsan lang naman ‘to, pagbigyan. Tapos habang tinititigan ko sila, tinititigan din nila ako. At napansin ko yung isang sundalo na tiningnan ako mula ulo hanggang paa. So gumawa ako ng dialogue namin.

“Pogi ni sir, yayamanin,” sabi ng sundalo sa isip. “Ang saya sigurong magtarbaho dito sa Ayala. Laging naka-aircon at safe pa.”

Naisip ko naman, “Pogi ni kuya, astig. Ang saya sigurong maging sundalo. Lagi kang nasa outdoor at di nakakulong sa office. Lagi pang may adventure.”

“Kapag malaki na yung anak ko, dito ko pagtatarbahuhin sa Ayala,” dugtong ng sundalo.

“Kapag nagkaanak ako, yayakagin ko s’yang maging sundalo tulad ng lolo ko,” sabi ko naman.

https://i2.wp.com/globalnation.inquirer.net/files/2015/11/apec-philippines-2015.jpg