Tito Teno Matalino

by Sankage Steno

Tinanong ako ng officemate ko kung kumusta na yung pamangkin kong bagong silang pa lang, specifically kung bine-breastfeed s’ya. Sabi ko hindi, kasi may iniinom na gamot yung kapatid ko kaya bawal pa magpadede. Sunod namang tanong ni officemate, “E anong gatas ang iniinom n’ya?”

“AH1N1,” sabi ko.

“Tange! Virus ‘yun.”

Natawa na lang ako sa kabobohan ko. E malay ko bang Nan HW pala yung gatas. Kung ba’t naman kasi ganu’n yung pangalan n’ya, pwede namang Nido na lang o kaya Bear Brand. Pahirapan talaga dapat? Hindi ko kasalanan ‘yon!

Nung naiuwi na sa bahay si pamangkin, gustung-gusto kong buhatin. So sabi ko sa kapatid ko, “Pabuhat nga. Di ko pa nabubuhat si baby.”

“E di buhatin mo,” sabi ni kapatid.

Natigilan ako. Hindi ko kasi alam kung pa’no. “Sige, ‘wag na. Paglaki na lang n’ya.”

Sorry naman. Natatakot kasi akong buhatin dahil sobrang lambot n’ya. Baka mabali ko yung buto. It took me another week para magkalakas ng loob na buhatin si pamangkin. Kinailangan ko pa ng support ng kapatid ko. S’ya yung nagpasa kay baby mula sa kanyang kamay papunta sa mga braso ko. Jusko lang yung kaba ko. Pero masaya.

Ta’s kanina naman, umiiyak si pamangkin. Inutusan ako ni mamang magtimpla ng gatas. Enfalac na iniinom ni baby, hindi na AH1N1. Buti naman, sa loob-loob ko. So kinuha ko yung bote. Dalawang takal lang daw, sabi ni mama.

“Lalagyan ko ba ng mainit na tubig?”

“Oo, konting-konti lang.”

As usual, sa katangahan ko, naparami yung mainit na tubig. Kinailangan ko pang itapon yung sobra. Sorry na nga kasi. Wala talaga akong alam d’yan. Hindi naman ako tatay. Tito lang ako. Matalino ako sa maraming bagay, pero dito, olats. Bobo. Ending, sa halip na dalawang takal lang, naging tatlo. Para mabawasan yung init, okay?

Hindi ko na sasabihin yung iba ko pang katangahan pagdating sa pag-aalaga ng baby. Yun na lang katangahan ko sa mga gamit na pambabae.

Nung nasa ospital pa yung kapatid ko dahil nga nanganak, pinabili ako ni mama sa Mercury Drug ng napkin na pang-night daw. E dahil mabait akong anak, sinunod ko naman.

Pagdating sa drugstore, antagal-tagal kong umiikot-ikot sa loob. Nung makita ko na kung asan yung mga napkin, litong-lito naman ako kung ano yung pang-night. Anong kaibahan ng napkin sa umaga at napkin sa gabi? Umiimpis ba ‘yon? Lumolobo? Lumalambot? Lumalamig? Nagpatulong na lang ako sa taga-Mercury. Hindi na rin ako nagtangkang hanapin yung breast pump. S’ya na rin pinakuha ko.

Ayun, nabili ko naman. Pagbalik ko sa ospital, medyo nainis pa si mama, “Bakit itong Modess pa binili mo? Ang mahal kaya nito.”

“E ba malay ko ba sa ganyan? Di naman ako nagna-napkin. Sabi ko lang night, e ‘yan binigay sa ‘kin.”

Tumahimik na lang s’ya. Sa loob-loob siguro ni mama, sabi n’ya, “Ang matalino kong anak, UP pa man din, walang kaalam-alam sa buhay.”

 photo DSC02579.jpg