Ganito ko pinatulog ang aking pamangkin

by Sankage Steno

Tuwing weekend ko lang nakakasama yung pamangkin kong baby pero meron na kaming nabubuong bisyo. Kapag nagbubwisit s’ya o umiiyak at hindi mapatahan sa gatas o simpleng buhat, ako ang kumukuha sa kanya. At ano pa nga ba ang ginagawa ko kapag kalung-kalong ko na s’ya?

E di kumakanta.

Nung first time ko s’yang kinuha, kinanta ko yung Kapayapaan ng Tropical Depression. Ayun, natahimik bigla. Nakatitig lang sa ‘kin habang nakanganga. Ang kyut! Grabe. Tapos nung natapos ko na yung kanta, inawit ko naman yung Your Love ng Alamid. Medyo nairita si baby. At nung kinanta ko na yung Oo ng Up Dharma Down, umiyak na s’ya ulit.

Ang ginawa ko, binalik ko na sa kapatid ko para patahanin.

Kanina, ganu’n na naman. Umiiyak na naman at ayaw tumahan kahit pinapadede at binubuhat. Umepal na ‘ko. “Okay! Singing time!” Binuhat ko si baby at saka kumanta ng Bonggahan ng Sampaguita. Tahimik s’ya agad bigla. Ta’s dilat na dilat yung mata sa ‘kin at nakabuka na naman yung bibig. Ang kyut! Grabe.

Nagpalit ako ng playlist this time. Kinanta ko yung You Found Me ng The Fray, Wherever You Will Go ng The Calling at On the Wings of Love ni Jeffrey Osborne, pero dun sa mataas na part, yung version ni Nadine Lustre ginamit ko. Antaas e, bakit ba? Tahimik lang si baby pero di pa rin natutulog.

Sunod kong kinanta yung Salamat ni Yeng Constantino. Ayaw pa ring matulog ng pamangkin ko. Kinanta ko yung Dessert ni Dawin, ta’s yung Cheerleader ni Omi, at yung What Do You Mean ni Justin Bieber. Aba, umepek! Kapag masaya ang tugtog, inaantok si baby. So hinanda ko na yung panapos kong awitin.

Sinunod kong kantahin (or i-rap) yung Super Bass ni Nicki Minaj. Parang na-hypnotize ‘tong alaga ko. Adik lang. Napapikit bigla. Kumiling lalo sa loob ng braso ko. Pero nung natapos ko na yung kanta, gising pa rin s’ya, kaya agad kong sinunod yung pinang-audition ko sa The Singing Bee.

Kinanta at ni-rap ko yung hit ng Parokya ni Edgar, yung The Yes Yes Show. Adik lang talaga. Saktong-sakto, nung nasa last part na ‘ko, dun sa “Di ko alam kung pa’no tatapusin yung kanta, kaya ganito na lang bigla na lang mawawala”—Tulog! Plakda yung pamangkin ko.

Mukang alam ko na magiging future ng batang ito.