Walang kalatoylatoy ang PH Blogging Awards 2015

by Sankage Steno

Pagdating ko sa SMX Convention Center sa SM Aura, tinginan yung mga tao sa ‘kin. Nagpa-late ako nang konti para sure na may titingin ‘pag pumasok ako sa loob. Para-paraan lang ‘yan sa pagpapasikat. Pero ang tunay na dahilan talaga kung bakit nagtinginan yung mga tao pagkadating ko e dahil sobrang gwapo ko nung gabing ‘yon.

Oo, nagbubuhat ako ng bangko at nagsasabi ng totoo both at the same time. Tignan mo pa sa FB ko yung itsura ko no’n. Mababakla ka, I swear. E pa’no ba naman ako hindi magiging sobrang gwapo, e ako lang yata ang sumeryoso sa outfit sa Gala Night ng Philippine Blogging Awards 2015.

A few weeks before the event, ginoogle ko na kung ano yung sinusuot sa mga Gala Night. E eto ba naman yung tumambad sa ‘kin:

E di pinaghandaan ko talaga yung isusuot ko. Humiram ako sa kapatid ko ng long-sleeves na white polo, pati slacks na pantalon at medyas, hiniram ko na rin sa kanya. Todo na ‘to. Thank you, kapatid! Labyu! Yung coat, sapatos at bow tie, akin na ‘yon. Ako na ang bumili. May pera naman ako kahit papa’no.

Ang nakakalungkot nga lang, iilan lang kaming sumeryoso sa outfit. May ilang mga babaeng naka-gown talaga o kaya e cocktail dress, pero karamihan naka-casual lang. Sa mga lalaki, aynako. Maliban sa host na nag-barong, ako lang yata naka-formal. Yung karamihan, denim jeans lang at t-shirt na pinatungan ng black coat. Hello, Ryan Seacrest ka? Ryan Agoncillo? Asa.

Although sobrang thankful ako sa mga bumubuo ng Bloggys.ph napakarami kong reklamo nung Gala Night. Iisa-isahin ko sila rito.

Una, ang boring ng event. Hindi ko alam kung dahil sa venue o sa host o sa pagkakaayos ng program, pero inantok talaga ako kahit nominated pa ‘ko at excited sa makukuhang award. Sana man lang nag-hire kayo ng performers o masiglang host. Mas okay pa yung mga presscon na inaatenan ko kapag nagko-cover, seryoso.

Pangalawa, speaking of host, nakakairita yung pagtatagalog n’ya. To be fair, Australian yung host pero sanay magtagalog. Nung una, cute pang pakinggan e, pero habang tumatagal, habang nauulit yung barok n’yang Tagalog at yung mali-maling bigkas n’ya sa mga pangalan ng blogs at bloggers, dun na ‘ko narindi talaga. E pwede namang English na lang. Maiintindihan naman namin. Sus! Hindi na s’ya cute, nakakabanas na.

Pangatlo, muntanga lang yung nagbigay ng welcome remarks. Ang bungad ba naman, “I don’t really have a prepared speech right now…” What the fuck?! This is supposed to be a formal event, a Gala Night! Bakit wala kang speech? At kung wala ka mang ginawa, hindi mo ba kayang mag-impromptu speech? Pa’no ka nakapasa sa English at Filipino subjects mo? At bakit umpisang-umpisa pa lang ng “unprepared speech” mo, binerate at pinagmukha mo na agad tanga yung sarili mo? Bwiset ka.

Pangatlo, muntik pa ‘kong mapaaway sa ibang finalists dahil walang upuan. Ano ba namang klaseng Gala Night ‘yan? Bakit kulang ng upuan? At bakit walang naka-designate na lugar para sa ‘ming awardees? Nagpa-RSVP pa kayo? Parang MRT tuloy ang nangyari, unahan sa upuan. Buti naglabas ng ilang silya, pero kulang pa rin. Nagbuhat at naghatak pa ‘ko mula sa magkaibang dako ng venue with my James Bond outfit. #wew

Panglima, nakakadismaya yung bar ninyo. Naglagay pa kayo ng bar drinks kung wala naman palang kahalong alcoholic liquid? Walang gin o vodka o kahit beer man lang. Yung mga “cocktail drink” kuno ninyo, grenadine lang ang halo saka kung anik-anik na juices. FYI, hindi alcoholic beverage ang grenadine. Isa po s’yang sweet liquid from pomegranates. Sa Espanyol-Tagalog, yung granada na prutas, kaya grenadine ang tawag. Boplox!

Pang-anim, gutom ang inabot ko at ng kasama ko. Naghanda nga kayo ng refreshments, wala namang laman. Chips and dip? Seryoso ba? Gala Night walang dinner? Anyare sa dami ng sponsors n’yo? Kahit McDo, wala? E co-presentor n’yo nga sila? Sana pala bumili na lang ako ng Chicken Fillet ala King bago pumasok sa venue.

Pampito, ang pangit ng certificates at trophies n’yo. Jusmiyo, paling pa yung pakaka-print sa certificate ko. At ang design, parang high school project. Sana ako na lang pinagawa n’yo, mas maganda pa for sure. At yung trophy o plaque, yari talaga sa plastik? Totoo ba? Wala talagang budget? Wala na nga kayong cash prize o kahit GC man lang sa mga nanalo, di n’yo pa ginandahan sa trophy? #ediwow

Buti na lang may kasama ako at may nakitang mga dati nang kaibigan. At least nakuha kong mag-enjoy sa company ko. May napaghingahan ako ng rants ko during the program. Kung wala siguro akong kasama, baka nag-walk out na ‘ko. Kaya sobrang salamat sa kaibigan kong sumama sa ‘kin. You know who you are. Pati na rin sa iba ko pang kaibigan na-meet sa event. Thank you.

Bloggys, again, maraming salamat. Totoong napasaya ninyo ako bago nu’ng Gala Night, and I can only imagine the stress and difficulties you encountered sa paghahanda sa ganito “kalaking” event. For that, I can forgive you. Pero inggrato talaga ang mode ko ngayon.

Kung uulitin n’yo ang event na ‘to next year, siguraduhin n’yong mas maayos at mas maganda. At kung iba-blacklist n’yo na ‘ko forever, ayos lang. I will understand. Pero umayos kayo! Pakiramdam ko e ginawa n’yo ‘tong event na ‘to para sa inyo at hindi para sa bloggers. Hindi s’ya nakakatuwa, sa totoo lang.