Walang panama ang mararahas na palabas sa TV sa Maguindanao Massacre

by Sankage Steno

Patay na si Ampatuan Sr. dahil sa liver cancer. Pa’no kung mamatay na rin si Ampatuan Jr. at yung iba pang mga suspek sa Maguindanao Massacre, hustisya na bang matatawag ‘yon? Sapat na ba yung kamatayan ng mga sangkot sa napakalagim na krimen na ‘yon para masabing nakamit na ng mga biktima ang minimithi nilang hustisya?

Kung ina, ama, kapatid o anak mo yung isa sa 58 na pinagbabaril, pinugutan ng ulo at/o ni-rape noong Nov. 23, 2009 sa Maguindanao, masaya ka na bang malaman na namatay o nakulong yung mga pumatay sa mahal mo sa buhay? Kung ako ‘yon, hinde. Parang kulang.

Kung pagbabasehan ko yung kwento ng star witness na si Sukarno Badal, hindi ako makakatulog hanggat hindi napaparusahan yung mga pumatay sa 58. Isipin mo na lang, parang ISIS itong si Ampatuan Jr. na isa-isang pinagbabaril yung nasa convoy ni Mangudadatu. Isa-isa. At papalit-palit pa s’ya ng baril na ginagamit. Parang naglalaro lang. Wala lang sa kanya ang pumaslang ng kapwa n’ya tao.

Anong klaseng budhi meron ang isang taong gano’n?

Walang kalaban-laban, papatayin mo. Buti sana kung may baril din yung mga biktima, e kaso wala. Kahit nagmamakaawa sa buhay nila, kahit nagdarasal sa Diyos o kay Allah, walang habas pa ring pinatay. At planado ‘to ha. Binalak. Ginustong gawin. Hindi ito ginawa upang depensahan o iligtas ang sarili. Umpisa pa lang, may pagnanais nang pumatay.

Anong sinabi ng mga karakter sa Game of Thrones o Breaking Bad o How to Get Away With Murder? Panis yung kasamaan nila sa kasamaan nitong mga suspek sa Maguindanao Massacre. Ito, makatotohanan. Nangyari talaga at di kathang-isip lang. Yung pag-iisip nitong mga sangkot na Ampatuan, parang yung pag-iisip ng German executioner na si Johann Reichart.

Balewala lang sa kanila ang pumatay. Ipis nga at daga, awang-awa ako ‘pag pinapatay, yun pa kayang tao? Hindi ko talaga maisip kung pa’no nila nasisikmurang gumawa nang ganitong karumaldumal na bagay. Alam ko lahat tayo e may kakayahang gumawa ng masama, pero yung ganito katindi? Hindi ko talaga alam.

Kung makamit man ng mga biktima yung hustisya, kung sakali mang makulong yung mga suspek at mabayaran yung mga naulila, andun pa rin yung rimarim, pagkamuhi, pighati at pangungulila. Sa tingin ko hindi mapapantayan ‘yon ng kahit anong danyos o parusa sa mga may sala.

Gayunpaman, kailangan pa ring makamit ang hustisya para makapagsimula sa paghilom ang mga mahal sa buhay ng mga biktima ng Maguindanao Massacre.