Masarap magmahal ang bakla

by Sankage Steno

Dumadagundong yung speaker sa bus habang tumutugtog yung sikat na kanta ng Dagtang Lason, yung Nagmahal Ako ng Bakla. Imagine kung ga’no kalaki yung ngiti ko habang bumabyahe kanina. Kung di mo na s’ya maalala, eto yung video. Kung ayaw mo namang manood, basahin mo na lang ‘tong lyrics sa chorus.

Mga tambay lang kami sawa sa babae
Mga babaeng manloloko
Pineperahan lang kami
Kaya ngayon bakla na lang ang aming iibigin
Masarap magmahal ang bakla
Ohh kay sarap… Damhin

Sa totoo lang, nakakainsulto sa mga bakla yung kanta, pero sa unang dinig e parang papuri s’ya o maganda yung nais iparating. Well, pakinggan mo na lang nang buo para maintindihan yung sinasabi ko. Baka naman magkaiba tayo ng interpretation. Feel free to disagree with me.

Habang ine-enjoy ko yung kanta sa bus, naalala ko yung isang retreat na inatenan ko nung college ako. Dati kasi akong katekista (Would you believe?), kaya naimbitahan ako sa retreat na ‘to sa Pandi, Bulacan. Dahil nga retreat, umasa akong maganda yung lugar at masarap yung pagkain. Turns out, opposite lahat ng expectations ko.

Ang dugyot ng lugar at yung pagkain, ewan ko kung pa’no niluto. Anyway, hindi na mahalaga ‘yon. Buhay pa naman ako. Ang di ko talaga makalimutan sa retreat na ‘yon e yung mga speakers at moderator na sobrang religious. At ‘pag sinabi kong sobrang religious, kung ano yung sinabi ng pari/bible, susundin talaga nila. Blind faith, blind obedience, blind discipline. Bulag na bulag talaga.

Imagine, tatlong araw kong tiniis ‘yon. In fact, after yata ng pangyayaring ‘yon, nagsimula na ‘kong maging non-believer. Isa s’ya sa mga turning point sa paniniwala ko. At ang pinakatumatak talaga sa ‘kin sa retreat na ‘yon ay yung nangyaring sagutan sa pagitan ng speaker at ng isang out-of-school youth.

Oo, lahat ng kasama ko sa retreat e either grade school lang ang natapos o hindi na nakapag-aral, pero nagulat ako sa lawak ng kanilang pag-iisip. Sa katunayan, mas malawak pa yung isip nila kumpara sa mga nangasiwa at nagbigay ng talk sa retreat.

Ganito yung nangyari…

Kalagitnaan ng talk ng babaeng speaker, napunta ang usapan sa sex, tapos sa gender. Hinanda ko na yung sarili ko. Ayoko kasing magmukhang walang modo kaya unti-unti ko nang hinahabaan ang pasensya ko at bina-block yung mga nasa paligid ko.

“Kasalanan sa diyos kapag ang isang lalaki ay pumatol sa kapwa lalaki o ang babae sa kapwa babae,” sabi ng speaker.

Nagtitimpi lang ako.

“Dalawa lamang ang nilikha ng diyos: babae at lalaki, si Eba at si Adan. Ang pagiging bakla o tomboy ay taliwas sa mga utos ng diyos…”

“Pa’no naging kasalanan ‘yon?” sabat ng isang lalaking teenager. “Pa’no kung pinanganak na silang bakla? Hindi naman nila ginusto ‘yon.”

Nagising ako bigla. Hindi ko inasahang may kokontra sa speaker, at lalong hindi ko inasahang manggagaling pa ‘yon sa isang taong kulang sa pinag-aralan. Isipin mo, ako ‘tong taga-UP, ako dapat yung naunang kumontra, pero pinili kong tumahimik at magpasensya. Naunahan tuloy ako nung out-of-school guy na, kung panlabas na anyo ang pagbabasehan, mukang mandurukot o rugby boy.

Una, inisip ko na baka bakla yung lalaking sumagot, pero habang pinaglalaban n’ya yung paniniwala n’ya, du’n ko naintindihan na meron yata s’yang kapatid o kaibigan na bakla. At dahil mahal n’ya yung taong ‘yon, hindi s’ya makapayag na dahil lang sa bakla s’ya e kasalanan na ‘yon sa diyos at s’yang magiging dahilan pa para mapunta sa impyerno.

Natahimik yung speaker, pero iginiit pa rin n’ya sa huli na ayon sa bibliya, kasalanan sa diyos ang pagiging bakla o tomboy. Yung lalaki naman, matapos masabi ang gusto n’yang sabihin, tumahimik na lang din. Pero nakuha na n’ya ang respeto ko. Nanghihinayang lang ako dahil hindi ko nakuha yung pangalan n’ya.

Wala akong napulot na bago sa retreat, pero ang laki ng natutunan ko du’n sa lalaking kumontra at ipinaglaban yung mga bakla. Hinding-hindi ko makakalimutan ang taong ‘yon. Isa s’ya sa mga dahilan kung bakit mas matapang akong tao ngayon.