Pagoda, Mt. Province

by Sankage Steno

Alam ko na yung ibig sabihin ng pattern ng bag sa Sagada Weaving. Sabi nung isang tao dun, ano raw ‘yon, mortar and pestle—yung pambayo ng palay. Amazing! Bakit ba di ko agad naisip ‘yon? To think na halos lahat ng pamilya sa bayang iyon sa Mt. Province e pagsasaka ang ikinabubuhay maliban sa turismo.

Nakakadismaya nga lang na hindi ko nabili yung gusto kong bag sa Sagada Weaving. Ambilis kasing naubos nung stock nila. Kahit nga yung mga nagpabili sa ‘kin, hindi ko nabili yung mismong bilin nila. Humanap lang ako ng alternative. Sikat na kasi yung lugar kaya madaling nagkakaubusan.

Speaking of sikat, grabe lang yung dami ng taong pumunta sa Kiltepan Peak. Nung unang punta ko roon a few years bago pinalabas yung That Thing Called Tadhana (na nagustuhan ko, in fairness), ako lang at yung ilang kaibigan ko ang turista sa Kiltepan. E kahapon ng madaling-araw, jusme, hindi mahulugan ng pine cone. Pine needle kasya pa naman, pero imagine kung Holy Week ‘yon.

Kadiri yung dami ng utaw.

Kahit yung Lumiang at Sumaging Caves, punung-puno na rin ngayon ng turista. Dati iilan lang kaming pumasok dun, ngayon pila-pila na. Yung dating dalawa o tatlong oras na cave connection, ngayon lima o anim na oras na ang tinatagal. Kung takot ka sa dilim at claustrophic ka, baka dun ka na ilibing kasama ng mga nakalagay na coffins sa bukana ng yungib.

Hindi rin naiiba yung sitwasyon sa Aguid Rice Terraces at sa Bomod-ok Falls. Buti napaaga kami ng punta kaya medyo konti lang yung photobombers namin sa sikat na talon sa Sagada. Pagpatak ng 9am, ay pucha, bumuhos na parang tubig din sa falls yung mga tao.

Nung paakyat na kami mula sa Bomod-ok, ilang beses kaming tumigil para mag-give way sa mga bumababa. Sa gilid ng payew/payaw (rice terraces) at sa mga pilapil lang kasi ang daan, so one way lang. Masikip. Kailangan talagang magbigayan. E sa dami ng turista, ilang minuto rin yung nadagdag bago kami nakabalik sa taas. Nakabuo na nga kami ng sariling tribo at mga ritwal para lang malibang habang naghihintay.

I’m so proud of my squad.

Syempre pa, hindi na bago yung traffic sa makipot na kalsada ng Sagada. Kung datirati, bus lang at jeep ang dumadaan do’n, ngayon dumagdag na yung mga Toyota HiAce at Grandia mula sa iba’t ibang tour agency, pati na rin yung mga private vehicles tulad ng kotse at motorbike ng mga magkakaibigan o magkakapamilyang dumadalaw do’n.

Ang hirap na tuloy maglakad sa kalsada nilang wala naman talagang sidewalk. Nakikipagpatintero ka lagi sa mga pribadong sasakyan, parang EDSA lang o Commonwealth Ave. #EDSAgada nga raw sabi ng isa kong kasama. Mabuti na lang malamig doon kaya hindi masyadong nakakainit ng ulo. Saka expected ko na rin naman dahil nga sikat na talaga yung bayan dahil sa ganda at dahil sa nabanggit kong pelikula sa taas.

Pero kahit sumikip na ang Sagada, hindi pa rin naman nawawala yung charm n’ya. Nag-enjoy pa rin ako, lalo na sa Gaia na lagi kong pinaghuhugutan ng inspirasyon bago pa sila tinambayan nina Angelica Panganiban at JM De Guzman. Maganda at malamig pa rin sa Sagada. Sulit pa rin ang mahabang land trip. At hindi pa rin ako nagsasawa sa kanya.

Sana lang hindi s’ya maging Baguio City II.