Tengkyu, ser

by Sankage Steno

Ang saya kagabi. Matapos ang isang linggong hindi pagyoyosi, nakahitit din sa wakas. Nag-host at kumanta kasi ako sa Christmas Party ng opisina namin kaya iniwasan ko muna yung yosi at kape para hindi masira yung boses ko saka para may hangin ako. Hindi madaling bagay ‘yon a, kaya I’m so proud of myself. O, gusto mo ‘yon?

In fairness naman, maganda ang feedback sa amin ng co-host ko. Good job daw. Yey! Kahit wala akong nakuha ni isa sa raffle kagabi, happy pa rin dahil napasaya namin yung party. That’s a reward in itself. Hindi kaya madaling libangin at pasayahin yung crowd, but we pulled it off. I’m so proud of myself. O, gusto mo ‘yon?

Yung tungkol naman sa kanta ko, well, personally, I know it wasn’t my best. Pero, surprisingly, nagustuhan naman ng mga tao. Pumapalakpak yung tenga ko nung hindi ako pumiyok sa mataas na part ng kantang Pagsubok. Ta’s nung naghiyawan at nagpalakpakan yung mga officemate ko, yahoo! Grabe, sarap sa feeling. I’m so proud of myself. O, gusto mo ‘yon?

Pero yun nga, alam kong marami akong flat sa kanta. Hinahabol ko rin yung hininga ko dahil, sabi ko nga, host and performer ako pareho. Hindi madaling bagay ‘yon a. Biruin mo, nakailang palit ako ng damit, ta’s andami kong responsibilities. Di ko rin na-enjoy masyado yung pagkain dahil kailangan kong intindihin yung mga gagawin at sasabihin ko. Kaya I’m so proud of myself. O, gusto mo ‘yon?

Pero ang pinakanagpasaya sa ‘kin kagabi e yung nangyari after ng party. Naglilinis na yung mga personnel at nagliligpit yung mga waiter. Ako naman, patang-pata na sa dami ng ginawa kaya namapak muna ako ng devil’s food cake, caramel pudding at eggnog shot habang nagpapahinga at naghihintay ng mga kasama ko sa inuman.

Nung tumayo na ‘ko para lumabas ng venue at pumunta sa pag-iinuman naming magkakaopisina, biglang dumaan sa likod ko yung isang waiter, ta’s sinabi n’ya bigla sa ‘kin, “Tengkyu, ser!” Nagulat ako kung bakit s’ya nagpasalamat sa ‘kin. E dahil nakita kong nangarag sila sa party namin dahil sa dami ng pinagsilbihan nila, sinagot ko na lang s’ya ng “Tengkyu din po.”

Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin kung bakit n’ya ako pinasalamatan. Napasaya ko rin ba s’ya dahil sa mga banat ko habang nagho-host? Nag-enjoy ba s’ya sa kinanta ko kagabi? Natuwa ba s’ya dahil hindi ko s’ya inutusan sa pagkuha ng tubig? Hindi ko talaga masabi kung ano.

Ang hula ko, dahil sa kanta ko nga, yung Pagsubok. Feeling ko, may pinagdadaanan si kuya waiter, at dahil F na F ko yung pagkanta, siguro naramdaman n’ya at naintidihan yung lyrics nung sikat na awitin ng Orient Pearl. Na-inspire s’ya siguro na ‘wag itigil ang laban at ‘wag sumuko. Siguro nabuhayan s’ya ng pag-asa dahil sa todo-bigay kong pagtatanghal. Yes! Kaya siguro pinasalamatan n’ya ‘ko bago umalis. Hula ko lang naman. It doesn’t matter kung ano pa ‘yon.

Basta, ang masasabi ko lang, I’m so proud of myself. O, gusto mo ‘yon?