Brokeback Mountain Province

by Sankage Steno

Sakay ako ng jeep kasama ng mga kaibigan at pababa na mula sa Kiltepan Peak nang makasabay namin ang dalawang lalaking magkamukha. Naglalakad lang sila, pero dahil sa sobrang trapik na ngayon sa #EDSAgada, halos pareho lang ang bilis namin sa kanila. At one point, naunahan pa nila kami.

Na-curious ako kung kambal ba sila o magkapatid lang, hindi kambal. Magkasintangkad kasi sila, ta’s yung hugis ng ulo at mukha, parehong-pareho. Pati gupit na semi-kalbo na papahaba na yung buhok, match din. So sinigawan ko sila mula sa jeep, “Kambal ba kayo?”

Umiling sila pareho.

“Magkapatid?”

Umiling ulit sila habang nangingiti.

Feeling close kasi ako minsan sa mga stranger kaya wala akong pake kahit ano pa itanong ko sa kanila. Hindi na naman nila ako makikita pa in this lifetime kaya okay lang. Besides, how will we have friends if we don’t talk to strangers, di ba? Lahat ng kaibigan natin ngayon, stranger nung una.

Anyway, so alam ko nang hindi sila kambal o magkapatid. Bago ko pa sila tanungin ulit, may ginawa silang dalawa na kusang nagbigay sa akin ng sagot.

Nag-HHWW sila.

Palakpakan kaming magkakaibigan sa loob ng jeep. Akala ko nung una joke lang, e biglang hinalikan nung isang lalaki yung ka-holding hands n’yang lalaki sa pisngi. Ayun, di na kami magkamayaw sa kasisigaw sa loob ng jeep. Para lang kaming fans nina KathNiel o JaDine o AlDub. Muntanga lang, pero ansaya.

“Brokebackan na ito,” sigaw ko habang abot-tenga yung ngiti. “Brokeback Mountain Province!”

Pati yung iba naming kasama sa jeep na hindi namin kakilala, nagtawanan. O di ba, ang saya? Strangers kami lahat pero nakuha naming maging masaya nang sabay-sabay kahit saglit sa halip na pagtsismisan yung bawat isa.

Nung nalagpasan na kami ng dalawang lalaking magkasintahan, sinabihan ko sila ng “Nice meeting you.” Sa totoo lang, nakaramdam ako ng konting inggit. Buti pa sila, may kasama sa mga lakad. Masaya naman ako sa mga travel ko, pero pangarap ko talagang mag-travel na kasama yung kasintahan ko. Antagal ko nang wish no’n pero hanggang ngayon di pa rin natutupad.

Kelan kaya ako magkakaroon ng ka-HHWW habang nagta-travel sa buong universe?

Nang maabutan ng jeep namin yung dalawang lalaki sa baba, nakita ko pa silang sumakay ng kanilang van. Naiinggit ako sa kanila pero mas masaya ako for them. May chance na sila sa forever. Hindi lahat nabibiyayaan no’n.

Kinawayan ko sila at kumaway naman sila pabalik. Hindi ko maintindihan pero pagkatapos ng tagpong ‘yon, I felt so good about the future.