I-touch mo pa biceps ko

by Sankage Steno

Nagkakahulma na yung biceps ko, salamat sa pamangkin kong napakabisyo. Ang hilig magpabuhat. Iyak nang iyak kahit padedehin mo. Gusto kinakarga lagi. Syempre, hindi ko naman pwedeng pagalitan dahil baby pa lang. Muntanga lang kung masiraan ako ng bait dahil dun.

Buti na lang at nahanapan ko s’ya ng blessing. Eto nga, feeling ko lumalaki yung biceps ko kakabuhat sa kanya.

Nung pasko nga, nagsimba ako kasama ng pamilya ko. (Read: Non-believer pa rin po ako. Nagsimba lang ako to spend quality time with my family.) Ako yung nagpresintang magbuhat sa pamangkin kong baby. So yung isang buong oras ng misa, karga ko s’ya. E hindi pa tapos yung previous mass, andun na kami, so mahigit isang oras ko talaga s’yang buhat-buhat.

Isipin mo na lang kung ga’no kasakit yun sa braso. Nakakangawit na nakakangalay na masakit. Na-enjoy ko naman kasi lahat ng tao tumitingin sa ‘kin saka sa baby. Iniisip siguro nila, “Ang gwapo naman ng tatay na ‘to. Batang nag-asawa. Ambait pa, nag-aalaga ng baby.” Yes, feelingero ko talaga. KSP pa, shet.

Kanino ba ‘ko nagmana? Ampon lang ba ako, Ma?

Maliban sa lumaki nang konti yung biceps ko, nakatulong din yung pagbubuhat sa pamangkin ko sa ‘kin dahil nagkaroon ako ng excuse na ‘wag lumuhod nung consecration na. May excuse din akong sumayaw-sayaw habang tumutugtog at kumakanta yung choir. Bakit ba? Pinaghehele ko si baby e. Pero charot lang talaga ‘yon. Gusto ko talagang sumayaw.

Kahapon saka kanina, ganun din ang gawi naming magtiyuhin. Kapag busy o tulog pa ang lola o ina ng pamangkin ko, ako yung nagbabantay at nag-aalaga sa kanya. Ilang oras din ng pagkarga ‘yon sa kanya. Katumbas na siguro ng regular na pagbubuhat ng dumbbells sa gym. Kung ipagpapatuloy ko lang ito buong bakasyon, by next year, siguradong maganda na ang hubog ng mga braso ko.

Baka ito na ang maging susi para magkaroon ako ng kasintahan! Yehey! Lagi na ‘kong magsusot ng sleeveless na shirt to show my biceps. Naks. Buti na lang talaga at dumating sa buhay ko ‘tong pamangkin ko. Nakakapag-concert na nga ako kapag pinapatulog s’ya, meron pang dagdag na libreng gym. Daig pa yung trabaho ko ngayong nade-delay ang sweldo at wala masyadong benefits.

Ay, wait, umiiyak yung pamangkin ko. Nagising. Kakargahin ko na. Hihi!

https://i0.wp.com/assets.menshealth.co.uk/main/thumbs/34157/bicep__square.jpg