HIV negative ka ba?

by Sankage Steno

Noon ko pa dapat isinulat ‘to kaya humihingi ako ng paumanhin sa iyo. Kinailangan pang may mamatay at magkasakit na mga kaibigan bago ako magkaganang magsulat tungkol dito.

Tatlo na ang kakilala kong namatay sa iba’t ibang sakit na dulot ng HIV/AIDS. Lahat sila, pare-pareho ang kwento. Masigla ang katawan, walang sakit, ta’s isang araw, bigla-bigla na lang babagsak yung pangangatawan. Dadalhin sa doktor pero hindi malaman ng kahit na sinong espesyalista kung ano talaga ang sakit. Wala ring gamot na tumatalab. Mababalitaan ko na lang na patay na sila.

Ngayon, may isa na naman akong kakilala na ang suspetsa ko ay may AIDS na. Nakakagulat kasi ang alam ko, loyal s’ya sa partner n’ya. Hindi ko lang sigurado kung loyal din yung partner n’ya sa kanya. Pero di na mahalaga ‘yon. Ang talagang mahalaga, dapat nagpapatingin lagi para malaman kung may HIV ka o wala.

Maraming clinic ang nagbibigay ng LIBRENG TEST para malaman kung HIV negative ka. Wala kang kailangang bayaran. Pamasahe lang at lakas ng loob ang kailangan mong dalhin. At kahit lumabas man sa test na positive ka, hindi ka pa rin dapat mag-alala. May gamot namang pumipigil sa virus para hindi lumala. Pwede ka pa ring mabuhay nang mahaba, tulad ng ibang taong walang HIV.

At higit sa lahat, LIBRE rin po ang gamutan. Sagot ng gobyerno ang lahat ng gastusin. Mas maswerte ka kung PhilHealth member ka pa.

Kung negative ka naman, edi good. Bukod sa libreng test, libre rin ang counseling. Sasagutin nila lahat ng tanong mo. Sensitive sila at well-trained sa ganyang isyu at usapin. Di ka mapapahiya. May instant confidante/friend ka pa. Nga pala, namimigay din sila ng libreng condom at lubricant. Sa’n ka pa?

At dahil protektado at sagot ka ng batas natin, lahat ng impormasyong ibibigay mo sa kanila ay confidential. Ikaw lang ang makakaalam ng resulta mo. Nasa sa ‘yo na ‘yon kung gusto mong i-share sa iba yung impormasyon.

Ang tanong ngayon, sa’n ka pwedeng magpa-test?

Kung nasa Makati ka, pwede sa City Hall, dun sa 7th floor, sa kanilang Social Hygiene Clinic. Bukas sila ng office hours, sarado ‘pag lunch. Pwede mo silang tawagan sa mga numbers na ‘to: 870 1615 | 899 8927 | 899 8916.

Kung nasa Quezon City ka, punta ka sa Klinika Bernardo, dun sa likod ng Ramon Magsaysay High School sa tapat ng Nepa Q-Mart. Bukas sila hanggang 11pm. Pwede mo silang tawagan sa numerong 0927.724.6999 o 0932.403.3412.

Kung nasa Manila ka, dun sa Research Institute for Tropical Medicine sa Malate ka pumunta. Nasa gilid s’ya ng Caltex, malapit sa Quirino St. Bukas sila araw-araw except Tue, Wed and public holidays. Tawag ka sa 256 3472.

Kung nasa south ng Metro Manila ka, meron din do’ng Research Institute for Tropical Medicine, dun sa Alabang. Bukas sila Lunes hanggang Biyernes ng 8am to 5pm. Heto ang mga numero nila: 807 2631 | 807 2628 loc 332 | +63917 302 9661 (CD4 Schedules) | +63949 709 8730 | +63917 714 6962 (ARV Refills) | +63919 571 3064 (Admin).

Kung wala ka sa Metro Manila, don’t worry, marami pang testing centers sa iba’t ibang panig ng bansa. I-click mo lang ‘to para malaman ang pinakamalapit na center o ospital sa iyo. Hindi ko lang sigurado kung alin d’yan ang libre. Pero ano naman ba ang konting halaga kumpara sa kaligtasan ng buhay mo, di ba?

Kaya, pakiusap, kesa umasa ka sa “Dasal lang.. Dasal lang talaga.” maniguro na. Pumunta ka na sa pinakamalapit na clinic o center sa iyo. Magsama ka ng kaibigan o kahit na sinong mahal sa buhay bilang moral support. Mahalin mo ang sarili mo, okay?

Salubungin mo ang bagong taon nang may peace of mind.

https://marietaoslanec.com/wp-content/uploads/2014/10/Love-Yourself.png

Advertisements