Hindi sulit ang Honor Thy Father

by Sankage Steno

Ang O.A. lang nung mga nagsasabing napakaganda at the best ang Honor Thy Father. Di naman! Wala nga akong malaman-laman na takeaway sa pelikulang ‘yan. Kung meron man, yun e yung pagpapakita nila na maganda pa rin naman ang Baguio City kahit papa’no. Other than that, wala na.

Hindi ako Film major at wala akong alam sa mga technique sa paggawa ng pelikula, pero isa akong moviegoer. Alam ko sa sarili ko kung ano ang maganda sa pangit. Yung Heneral Luna at On The Job, maganda. Yung Barber’s Tales at Norte: Hangganan ng Kasaysayan, maganda rin. Etong Honor Thy Father, okay lang s’ya for me. Hindi s’ya Wow!

Definitely, hindi ito ang best work nina Erik Matti at Michiko Yamamoto. Sa OTJ, ang galing ng direksyon doon ni Erik. Konting budget pa, pang-Hollywood na ang kalibre n’ya. Pwede nang isabak sa Oscars. Dito sa HTF, feeling ko ginahol s’ya sa oras o kinulang ng pera o tulog. Pwede ring all of the above.

Si Michiko naman, ang galing-galing sa Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Masaya yung pelikula pero mabigat sa huli. Kahit yung mga kamag-anak ko sa bahay na di nakaka-appreciate ng indie films, tutok na tutok nung umarkila ako ng pelikulang ‘yon sa Video City. Lahat talaga kami nagsisiksikan sa sala namin.

This time, however, hindi yata mangyayari ‘yon sa pelikulang HTF.

Ang daming parts ng movie na nakakaantok, dragging. For example, yung paghuhukay ng tunnel. Pwedeng paikliin ‘yun e. Ang dilim pa ng shots, so medyo parusa talaga ang part na ‘yon para sa ‘kin. Tapos yung pagpapakalbo ni John Lloyd, irrelevant for me. Kahit wala s’ya, uusad pa rin yung kwento. Bukod sa dragging, ang dami rin n’yang pinaglalaban. Ang daming isyu!

Ponzi scam ba yung main theme o yung hypocrisy at greed sa church? Love for family ba o survival of the fittest?  Sa dami, naging chopsuey na s’ya. Maganda sana yung kwento kung nag-focus lang sa isa. Sa huli, wala namang naresolba kahit alin d’yan sa nabanggit ko. So pa’no tinapos ang ganitong palabas na ang daming pinaglalaban?

Edi sa kamatayan.

Ganun naman lagi. Para kunwari mabigat, para kunwari may depth ang pelikula mo, tapusin mo s’ya sa kamatayan. To begin with, sana yun na lang ang ginawa sa kalagitnaan ng pelikula. Sana nagpatayan na agad sila para hindi na umabot ng kulang dalawang oras yung palabas. Pwede namang 1hr and 30min na lang.

Siguro kaya maraming nagsasabi na maganda s’ya e dahil s’ya lang yung “seryosong” film sa mga entry sa MMFF. Big fish in a small pond kumbaga. But no. I don’t think deserving s’ya ng Best Picture. Best Director, fine, pwede pa. Nailabas naman kahit papa’no ang galing ng mga artista at napaganda yung shots sa Baguio. Then again, magaling na naman talaga sina John Lloyd Cruz, Meryll Soriano, Tirso Cruz III, atbp.

Hay. Basta hindi sulit yung binayad kong P265. Yung Heneral Luna kahit kulang P300, go lang. Dalawang beses ko talagang pinanood. Eto, hindi ko na panonoorin ulit. Mamaya, #WalangForever na lang ang panonoorin ko.