Panahon na naman

by Sankage Steno

…ng pag-ibig? Nope. Panahon na naman ng paglalakbay sa Pilipinas! Yehey! Grabe, parang sinisilaban na yung pwet ko rito sa opisina. Atat na atat na ‘kong gumala ngayong taon.

Kapag January to June kasi, sunud-sunod ang biyahe ko sa iba’t ibang parte ng Pilipinas (o mundo, depende sa budget at time ko). Habang nagtatarbaho nga, yung isip ko andun na sa Mindanao. Nai-imagine ko na yung masasarap nilang pagkain, yung magagandang bundok at dagat, saka yung mababait na tao.

Shet!

Balita ko e maganda ang night life sa Zamboanga City. Tabi-tabi raw yung mga bar sa Camins extension, kaya unang araw/gabi ko pa lang dun, aariba na ‘ko nang todo. Konti lang iinumin ko, pramis. Tatlong Red Horse lang titirahin ko para may energy pa ‘ko kinabukasan saka para makapag-uwi ako… este… makauwi ako sa hotel nang safe and sound. Mahirap na. Dayuhan lang ako do’n.

Tapos excited din ako sa majestic sunset ng City of Flowers. Nasa western part kasi s’ya ng Pilipinas so, syempre, kita ang paglubog ng araw dun. (Sana makatyempo rin ako ng vinta.) I’m sure kakabugin n’ya yung sikat na Manila Bay sunset o yung sa Boracay. Napaka-romantic nun for sure. Baka maiyak pa ‘ko sa ganda. Iiyak na naman akong mag-isa.

Shet talaga!

Sana matuloy ako sa pagpunta ko sa southermost province ng Pilipinas. Hanggang ngayon kasi malabo pa rin yung plano ko. Wala pa ‘kong ticket sa plane o sa barko. Naghahanap pa kasi ako ng guide o kakilala roon. Sabi kasi sa ‘kin ng mga kaibigan kong taga-Mindanao, ‘wag ko na raw ituloy kung wala akong kasama. Delikado raw. E mukha pa naman akong Chinese o Korean.

Pero gusto ko talagang pumunta roon. Pangarap ko talaga s’ya sa ngayon, pramis. Maganda talaga kasi yung lugar. Untouched pa. Saka O.A. raw yung mga balitang hindi ligtas doon. Tingin ko naman safe doon sa sentro nila. Kapag siguro pumunta ako sa karatig-isla, baka dun talaga delikado.

Anyway, may contingency plan na naman ako in case hindi ako matuloy sa dulong katimugan ng bansa. Marami pa namang pwedeng puntahang lugar sa Kanlurang Mindanao na sobrang ganda at ligtas sa kahit na sino. Hindi ako papayag na hindi mag-enjoy sa unang trip ko ngayong 2016.

Pangarap ko lang talaga na dumating yung panahong hindi ko na aalalahanin yung kaligtasan ko o ng kahit na sinong dayuhan sa Mindanao. Sayang kasi. Ang daming pwedeng i-offer ng bahaging ‘yon ng Pilipinas. Sana makamit na nila yung kapayapaang matagal na nilang minimithi. Sana maranasan ko s’ya sa buhay na ‘to.

https://i2.wp.com/36.media.tumblr.com/tumblr_lxih4aMnWP1qfo2fmo1_500.jpg