Mga halimaw ng Philippine media

by Sankage Steno

Isa sa maraming dahilan kung bakit umalis ako sa GMA bilang researcher at audience coordinator e dahil kupal ang mga tao roon. Ang iba ko pang mga dahilan e dahil mababa ang sweldo, walang benefits, walang holidays at, yun nga, ayokong lamunin ng kultura nila at maging halimaw din tulad ng marami kong naging boss at nakatrabaho roon.

Kaya hindi na ‘ko nagulat nang lumabas yung open letter ni Prof. Alvin Campomanes sa ABS-CBN na idinidiin si Direk Cathy Garcia Molina at yung ilan pang “little gods” sa set ng Forevermore sa pagiging kupal lord nila talaga at sa ugali nilang mura-murahin yung mga nasa mababang posisyon, gaya nga ng mga ekstra.

Sang-ayon ako sa mga nakausap ni Prof. Campomanes na nagtatrabaho sa ABS-CBN, na kultura na nga talaga sa film and television industry, o sa media in general, yung naninigaw, nambubulyaw, namamahiya at minumura yung mga production assistant, researchers, lights men, camera men at marami pang nagtatrabaho sa likod ng camera.

Totoong kung balat-sibuyas ka, kung “millennial” ka, kung feeling entitled ka palagi at kung sobrang sensitive mo, hindi ka tatagal sa ganung industriya. Tingnan mo ‘ko, hindi ako nakatagal.

Bitch kasi yung mga naging boss ko sa GMA. Kapag may iuutos o ipapagawa sila, ura-urada gusto nila nagawa mo na. Kailangan humanap ka lagi ng paraan kahit pa ang utos e interviewin mo si Jesus Christ o kunin mo yung atay ni Satanas sa impyerno. Kailangan mong gamitin lahat ng powers mo bago mo sabihin sa kanilang “Hindi pwede.” Bawal magsabi ng “Ayoko” o “Hindi ko kaya” o “Mahirap po ang ipinapagawa ninyo.”

Kapag hindi talaga uubra, humanda ka nang mamura, mapahiya at tumanggap ng maaanghang na salitang maririnig mo lang kung galing ka sa delingkwenteng pamilya. Kung pinalaki ka nang maayos ng magulang mo at hindi ka sanay sa sigawan o murahan sa bahay, maku-culture shock ka talaga sa media.

Ilang beses ko na ngang nakaaway at nakasagutan yung mga producer ko dati sa Tonight With Arnold Clavio. Sinasagot ko talaga sila kapag alam kong ginawa ko naman yung makakaya ko at kapag alam kong nasa katwiran ako. Kung bitch sila sa ‘kin, bitch din ako sa kanila. Pero iba sila. Bitch gods and goddesses sila. Wala silang pakialam sa dahilan mo. Mas mahalaga sa kanilang magawa mo yung gusto nila, at kapag nabigo ka, lintik lang ang walang latay.

Yung huling sagutan ko sa boss ang nagtanggal sa akin sa GMA. Hindi ko na ikukwento rito. Sa ibang araw na lang siguro. Sabihin na lang natin na hindi ko nagawa yung pinapagawa sa akin ng producer ko (pero ginawa ko talaga/pa rin) dahil hindi ko na trabaho ‘yon, kaya nagalit siya at hindi na ni-renew yung kontrata ko.

Balita ko promoted na yung producer ko na ‘yon. Congrats.

Kampi ako kay Prof. Campomanes sa argumentong dapat pantay-pantay ang pagtrato sa mga nagtatrabaho sa telebisyon (o kahit saan pa mang industriya), pero kampi rin ako sa mga matagal nang nagtatrabaho sa media sa paniniwalang kultura na ‘yon at mahirap nang mabago. Patigasan na lang talaga ng mukha at tiis-tiis kung gusto mong sumikat o kumita o maglingkod sa bayan.

What doesn’t kill you makes you stronger, and if you can’t take the heat, get out of the kitchen (or newsroom/set), ‘ika nga.

Natutuwa lang ako na nailantad na sa publiko yung ganitong pamamalakad sa industriyang pinag[ta]trabahuhan ko. Sana may mabago.