Ang sakit mag-fall

by Sankage Steno

Tangina unang araw ko pa lang dito sa Zamboanga City, disgrasya na agad ang inabot ko. Sumabog lang naman yung mukha ko, pero di ko ipo-post yung picture ko rito kasi kadiri saka lalo akong magmumukhang papampam. At saka baka mabasa ni Mama ‘to. Sobrang mag-aalala ‘yon at siguradong masesermonan ako.

Jusme naman kasi yung Merloquet Falls sa Sibulao. Akala mo tahimik lang, nasa loob pala ang kulo. Nakita mo ba yung video ko sa Facebook? Before the disaster ‘yon kaya kaayaaya pa hitsura ko roon. Thank goodness. After kong mag-video, ayun, na-shoot ako sa “manhole.”

Napakamapanlinlang naman kasi ng talon na ‘to. Akala mo bato yung tinatapakan mo, tubig na palang pagkalalim-lalim. Buti buhay pa ‘ko.

Ayan kasi, pasikat, video nang video. Napala ko tuloy. Nag-fall ako sa falls, taragis ‘yan. Shoot sa banga! Pagkahulog ko, yung smartphone ko buhay, ako patay. Imagine nakalubog ako sa tubig, sabog ang ulo, pero yung kamay ko nakataas, sinave yung leche kong smartphone. Napakagaling ko talaga sa priorities in life.

Let’s give myself a big round of foolish applause.

Kaya ampangit ko na po. Yes, officially, sinasabi ko nang hindi na ako ang dating gwapo at drop-dead gorgeous na Sankage. Ngayon po, isa na lang akong bugbog-saradong genin sa isang di kilalang hidden village dito sa Asia’s Latin City. Nakakalungkot po ang pangyayaring ito sa aking mukha.

Let’s all give my face a moment of silence.

Sana talaga makita mo yung mukha ko. Kaso baka nga tumambad sa Facebook yung duguan kong fezlak. Baka mawindang si Mama at isiping nakipagbarilan ako sa mga Abu Sayyaf dito. Hindi, Ma. Hindi pa ‘ko nakikipaglaban sa mga terorista. Nang-eespiya pa lang ako. Wait ka lang.

Buti na lang kamo at may isang pamilyang naroon sa Merloquest at nagpi-picnic. Buti kamo at friendly ako. Binati ko sila pagdating ko, tapos nakipagchikahan ako saglit. Kung snub siguro ako, baka hindi nila ako tinulungan. Sa sobrang buti nilang mga tao, hinatid pa ‘ko sa pueblo. Sobrang na-touch ako. Tinulungan nila akong isang total stranger sa kanila.

Nakakaiyak po.

Bilang pagtanaw ng utang na loob, at dahil sobrang natuwa ako sa kabutihan nila, nilibre ko sila ng merienda. Silang lahat na 12 katao. Ako yung pang-13. Swerte, di ba? Tapos yung number pa namin sa restaurant, 13 din. Coincidence? Maybe.

Kung nakita mo yung isa kong pinost na photo sa Facebook, sila ‘yon. Grabe, ambabait nila kahit hindi pasko. Hindi nga lang nakasama sa larawan yung isang member na Marines na naglagay ng dahon ng hagonoy sa sugat ko sa mukha. Ginagamit daw nila ‘yon kapag may nadaplisan ng bala o nasugatan dahil sa pakikipagsagupaan nila sa mga terorista.

Ang dami kong natutunan sa kanya. Bilang ganti, dadalawin ko s’ya sa kampo nila. Sana magawa ko soon.

Grabe, day 1 pa lang ito. May tatlo pa. I’m just glad na buhay pa ako at hindi pa rin maawat sa adventures kahit delikado. Bakit ko ba ginagawa ‘to sa sarili ko?

Kasalanan talaga ‘to ng future jowa ko e. Kung may jowa lang sana ako, hindi ako mahuhulog. May magbabantay o pipigil sa akin. Kung sana e sinagot mo na ‘ko at kasama kita sa trip na ‘to, hindi masisira ang mukha ko. Kasalanan mo ‘to, future jowa! Na-late ka kasi ng dating!