Kulang na lang

by Sankage Steno

Lahat ng taong makakita sa duguan kong mukha, hindi maipinta ang mukha. Lahat sila ang naglalaro sa isip, “Ano kayang nangyari sa lalaking ‘to? Sino kayang nakaaway n’ya?” Porke ba sabog ang mukha, nakipag-away agad? Hindi ba pwedeng tanga lang?

‘Wag kang judgmental. Don’t judge me!

Pero may maganda namang naidulot ang sira kong mukha. Ang dami kasing napapatitig sa ‘kin kahit saan ako magpunta rito sa Zamboanga. Feeling ko tuloy ang gwapo-gwapo ko pa rin. Feeling ko isa akong artistang dumayo rito sa kanila para mag-concert o mag-mall tour. Kulang na lang e dumugin nila ako para magpa-picture at magpa-autograph.

Bukod sa feeling sikat ako, halos lahat din ng taong kinausap at pinagtanungan ko e concerned na concerned sa mukha ko. Madalas mga gwardya sila o pulis. Tinatanong kung saan ko nakuha yung sugat ko, ganyan. Sinasagot ko naman nang matino. Tapos kapag tinanong ko sila ng direksyon, ganado rin ang sagot nila kahit pa marami sa kanila e hindi alam yung direksyon sa mga gusto kong puntahan.

Yun ngang babaeng gwardya sa city hall, parang nanay. Gusto pa ‘kong pasamahan sa city tourism officer. Gusto pa yatang hawakan ang mukha ko, punasan, gamutin, langgasin, ganyan. Gusto akong arugain at ituring na parang sariling anak. Grabe ang concern sa mukha n’ya, I swear. Kulang na lang e ipagtimpla ako ng gatas at padedehin.

Nag-beg off na lang ako. Sabi ko I need some time alone. I need some space. Charot. Like everybody else na nakadaupang-palad ko sa trip na ‘to, tinanong n’ya kung bakit mag-isa lang ako, kung tagasaan ako at kung bakit ako lang mag-isa. Sana man lang daw kahit guide kumuha ako.

Ganun po talaga ang buhay ko. Always alone, but never lonely. Or maybe not. Minsan lonely. Pero I’m not feeling lonely ngayon. Impak, I’m happy dahil sa dami ng pwede kong ikwento sa mga kaibigan ko pagbalik ko ng Maynila.

Tapos yung manong naman na nagdala sa ‘kin sa Abong-Abong Park, hatid-sundo pa ‘ko sa habal-habal n’ya. Binigay n’ya yung number n’ya sa ‘kin para raw mai-text ko s’ya kapag gusto ko nang umuwi. O di ba ang sweet? Akala n’ya siguro ako ang kanyang only begotten son. Kulang na lang e putungan ako ng koronang tinik at saka ipako sa krus.

How lovely.

Kaya kahit papa’no, thankful ako sa sabog kong mukha. Naging mas madali ang pagtatanong ko sa mga gusto kong puntahan dito at nakita ko ang kabutihan sa puso ng mga tao, which always makes me feel glad. Parang yung feeling kapag kumakain ka ng mainit na pandesal na may kaparehang mainit na kape sa umagang kay ganda. Kulang na lang e yung kapareha ko sa buhay.