Si Mar Roxas at ang second coming

by Sankage Steno

May nasagap akong tsismis habang nasa Paseo del Mar kanina at nag-aabang ng bangkang magdadala sa akin sa Sta. Cruz Island. Si Mar Roxas daw talaga ang dahilan kung bakit nagkaroon ng Zamboanga siege noong 2013, ayon sa nakachikahan kong pulis dito.

Magpapa-picture sana ako na may hawak na M-16 kay kuyang pulis kaso sabi n’ya bawal daw, so nakipagkwentuhan na lang ako. Tinanong ko s’ya tungkol sa Zamboanga siege, kung kasali s’ya sa bakbakan at kung ano na nangyari sa mga sibilyan na naapektuhan ng kaguluhang ‘yon. Hindi ko naman inasahan yung rebelasyon ni kuya.

“Si Mar Roxas talaga may kasalanan nun,” sabi ni kuyang pulis bigla.

“Magpaparada sana sila (mga Moro) dito (sa Paseo del Mar) tapos nagpaputok sila ng baril [bilang panimula ng parada]. Andito si Mar noon. Nung malamang may putukan, nagpadala ng mga sundalo. Ayun, kaya nagkainitan yung dalawang grupo,” dagdag pa ni kuya.

Hindi ako agad nakapag-comment. Alam ko kasi, kasalanan talaga ng mga Moro yun, ayon sa mga balita. Nagtangka kasi silang sakupin yung city hall at yung buong ciudad para itayo ang kanilang bandila, ang Bangsamoro Republic. Yun ang pagkakaalam ko, ta’s bigla kong narinig ‘to mula mismo sa isang pulis na under kay Mar Roxas bilang siya ang secretary ng DILG.

Isa pa, si Mar ang balak kong iboto sa Mayo kaya nabigla talaga ako sa nakuha kong impormasyon. S’ya pa rin naman ang iboboto kahit may ganitong tsismis akong nasagap.

May ilang katanungan lang akong di ko na nagawang itanong dahil dumating na yung bangka at saka nandito ako para magbakasyon, hindi para magtrabaho.

Una, bakit kailangang magpaputok ng baril kung magpaparada ka? E alam naman ng mga Moro na mainit sila sa militar at sa pulis, tapos magpapaputok pa sila? Kung ako man ang DILG secretary, magpapadala rin ako ng sundalo at pulis sa lugar na ‘yon bilang dagdag seguridad. Para sa ‘kin, “tama” lang yung ginawa ni Mar Roxas.

Pangalawa, hindi ko alam kung ga’no katotoo yung sinabi ni kuyang pulis. Pwedeng maka-Duterte s’ya dahil taga-Mindanao s’ya at pwedeng hindi n’ya alam ang galawan o totoong nangyari sa “itaas” dahil isa lamang s’yang hamak na pulis na nagbabantay sa pantalan. Kasalanan ko kung bakit hindi ako nakapagtanong pa at nakapag-imbestiga.

Pero, duh, magtatatlong taon na ang nakalipas saka bakasyon nga ang pinunta ko rito, hindi trabaho.

May isa pa ‘kong nasagap na tsismis kay kuya. Sabi n’ya, nakaalerto raw silang mga pulis ngayon dahil may tip daw silang baka magkaroon ng “second coming.”

Babalik daw yung mga Moro para “gumanti.” Again, hindi ko ito nakumpirma. Pwedeng totoo, pwedeng hindi. Basta ang alam ko lang, yung mga sumugod na Moro e hindi lang galing ng Basilan. Sabi ni kuya, galing daw sila sa iba’t ibang lugar tulad ng Jolo, Sibugay at Sur. Kaya kung magkakaroon man ng part II ang Zamboanga siege, malamang dun din manggagaling ang mga Moro.