Para sa mga gustong pumunta ng Tawi-Tawi

by Sankage Steno

Madali lang. Una, kailangan mong lumipad patungong Zamboanga City (at mamasyal ka na rin doon). Mula sa ciudad, may dalawa kang pagpipilian para makapunta ng Tawi-Tawi: barko o eroplano.

Kung magbabarko ka, magpa-book ka sa Aleson Shipping Lines. Dadaan pa ito ng Jolo, Sulu kaya matagal at alam-mo-na. Aabutin ng hanggang 15 oras ang biyahe mula pantalan ng Zamboanga hanggang sa pier ng Bongao, Tawi-Tawi. Hindi ito cruise ship kaya medyo mahirap para sa di sanay magbarko.

Kung mag-eeroplano ka naman, Cebu Pacific lang ang lumilipad patungong Bongao. Isang beses lang sa isang araw ang biyahe, tuwing 6:30 ng umaga. Magkakaroon na rin daw ng Philippine Airlines ulit this year. May nakita nga akong opisina nila sa Bongao. Antabayanan natin ‘yan.

Mahalagang tandaan na kung wala kang kakilala o contact man lang sa Tawi-Tawi, huwag ka nang tumuloy. Pero dahil magaling ako at marami akong contact, nakahanap ako ng guide doon. Inuulit ko, kailangang may kasama kang tagaroon lalo na kung pupunta kang mag-isa tulad ng ginawa ko.

Ang contact person ko roon ay si Ate Cdang (Sidang) na taga-Department of Tourism – Tawi-Tawi. Sobrang bait n’ya at sobrang maalaga. Ang number n’ya ay 0935.938.4763. Kontakin mo s’ya ilang araw bago pumunta roon, isang araw bago lumipad pa-Tawi-Tawi at sa mismong araw ng lipad mo. Andun lang naman s’ya sa paliparan, nakadungaw sa may bintana. Kitang-kita mo agad.

Ang madalas na binibigay na guide ni Ate Cdang ay si Kuya Ladz, isang katutubong Sama. Ang number n’ya ay 0935.952.2449. Tahimik s’ya sa umpisa pero mabait at makwento. Sagutin mo lang ang gasolina at yosi n’ya, solb na lahat. Ililibot ka na n’ya sa buong Bongao. Bigyan mo na lang s’ya ng P500 bilang tour guide fee bago kayo maghiwalay sa gabi o sa hapon.

Ang tinuluyan ko naman doon ay Almari Beach Resort na pag-aari ni Dr. Aldrin Ibbo. Ang number ni doc ay 0917.718.8095. Mura at maganda ang lugar. Sa halagang P1,000, meron ka nang room na good for two persons (or three), airconditioned at tanaw ang dagat.

Huwag palampasin ang sunset!

Pwede ka rin magpahatid kay Dr. Ibbo papuntang airport sa umaga dahil tumutulong din s’ya sa paliparan. Madalas nga palang mawalan ng kuryente sa Tawi-Tawi dahil isla lang s’ya at liblib. Pero may generator naman ang Almari at ang ilang resort dun.

Kung napansin mo, puro Globe lang ang number nila kasi yun lang ang may signal madalas. Meron ding Smart pero sabi nila e mahina daw ang signal. Sa totoo lang, mahina rin ang signal ng Globe pero nakapag-3G naman ako. Matagal nga lang ang uploading. Kung wala kang Globe sim, bumili ka muna bago pumunta roon. Napakahalaga ng cellphone mo para sa iyong kapanatagan.

Marami pang ibang resort doon pero ikaw na lang ang magtanong kay Ate Cdang. Basta nirerekomenda ko talaga ang Almari ni Dr. Ibbo. Ang bait n’ya saka maasikaso. Doktor pa s’ya so alam na.

Para sa mga pwedeng puntahan sa Tawi-Tawi, magbasa ka na lang ng ibang blog o magtanong sa mga taong nabanggit ko. Mas makakamura ka kung marami kayo. Ako kasi mag-isa lang kaya di ko napuntahan yung ibang isla (Merong mahigit 300 isla ang Tawi-Tawi). Ang mahal kasi ng bangka kung solo lang. Saka isang araw lang ako sa Bongao.

Kung may katanungan ka pa, mag-comment ka lang. Kung magkakilala naman tayo, Facebook o text na lang.