Sige, suntukin mo ‘ko

by Sankage Steno

Kapag naaalala ko yung sakit ng skin test na ginawa sa ‘kin sa emergency room ng ospital sa Zamboanga, parang gusto kong manapak ng kahit na sinong dadaan sa harapan ko. Ang sakit talaga n’ya, putongama ‘yan.

Pero kahit masakit s’ya, kahit pa nakatatlong injections ako at kahit pa nanlelembot na ‘ko sa sakit, hindi pa rin ako nagpapigil na pumunta ng Tawi-Tawi. Pabebe yata ‘to, kala mo. At para YOLO kung YOLO, umakyat pa ‘ko ng bundok. Oha! Anong say mo? Bilib ka na ba sa ‘kin? Kung di pa rin, wait ka lang. Ituloy mo lang yung pagbabasa. Kapag di pa rin kita napabilib pagkatapos mong basahin ‘to, hahayaan kitang suntukin ako.

‘Wag lang sa mukha please. Di pa magaling yung sugat ko.

Pagdating na pagdating ko sa Bongao, unang-una kong activity e akyatin yung Bud Bongao (Bongao Peak) na mahigit 1,000ft ang taas at itinuturing na sagradong lugar ng mga tagaroon. Sa katunayan, yung mga umaakyat doon e may mga kahilingan. Karamihan sa kanila ay matatanda o mga magulang na bitbit ang sanggol na may sakit.

Sa kwento ng guide ko, marami na raw napagaling yung bundok na ‘yon. Meron daw insidente minsan na hindi malaman ng mga doktor sa lugar nila yung sakit ng isang bata. Kahit anong test at gamot, hindi gumagaling yung sanggol. Ang ginawa ng magulang, matapos subukan lahat ng kayang ibigay ng agham at medisina, inakyat n’ya yung anak n’ya sa Bud Bongao.

Ayun, pagkadating sa tuktok, nakakain na yung bata. Gumaling.

Naniniwala ako sa science and technology pero naniniwala rin ako sa kayang magawa ng faith ng isang tao.

Huwag kalimutang humiling
Kaya maraming umaakyat sa bundok na ‘yon para magpagaling o humiling. Pagkalapag na pagkalapag ko pa nga lang sa Tawi-Tawi, sabi na sa akin ng contact person ko roon, si Ate Cdang, na kapag inakyat ko raw yung Bud Bongao, ‘wag ko raw kalimutang humiling.

Yun ngang isa kong kaibigan na napunta na roon, at kakilala rin ni Ate Cdang, humiling nang makaakyat s’ya sa tuktok. Sa pagkakaalam ko, natupad yung kahilingan n’ya. In fact, tinext pa n’ya si Ate Cdang para ipaalam na natupad na yung kahilingan n’ya. Yun nga lang, hindi pa s’ya nakakabalik ng Tawi-Tawi para makapagpasalamat.

Kaya yun din ang ginawa ko. Hindi pa man ako nakakarating sa paanan ng Bud Bongao, alam ko na sa puso ko kung ano yung gusto kong hilingin. Alam kong alam mo na rin at baka yun din ang wish mo para sa sarili mo.

Ano pa ba kundi love life, true love, the one, forever, tunay na pag-ibig.

Habang inaakyat ko yung matarik na bundok na nagkalat ang maraming mababait na matsing (macaque), napansin ko sa ilang bato at semento yung “vandalism” ng mga nauna nang umakyat doon. Nakasulat yung kahilingan nila. Natawa ako sa sarili ko nang mabasa ko yung ilan sa kanila. Hulaan mo kung ano mga wish nila.

Tama, puro tungkol sa love life din. Right then and there, nagpasya akong ibahin na yung kahilingan ko. Naisip ko, sa dami ng humiling na may magmahal sa kanila o mahanap nila ang kanilang makakapareha sa buhay, hindi ko alam kung ilan ang nagkatotoo. Saka biglang pumasok sa isip ko yung isang wish na matagal nang hinihiling ng mga tagaroon. I know, corny s’ya at medyo pang-beauty pageant pero alam ko naman sa sarili kong ito talaga yung gusto kong hilingin.

Pagkarating ko sa tuktok, dun sa loob ng libingan ni Dayang Amina, hiniling ko ang kapayapaan at kaunlaran para sa Mindanao.

————–
P.S.
Susuntukin mo pa rin ba ako?