Bajau Village

by Sankage Steno

Tawang-tawa ako sa dati kong estudyante sa Mapua nang gayahin n’ya yung mga Badjao na sumasakay ng jeep at tumutugtog ng tambol, kumakanta o sumasayaw para makahingi ng pera. Nawala yung pagiging kagalang-galang ko dahil sa presentation na yun. Tumalsik pa yata yung laway ko sa lakas ng tawa ko nung panahong ‘yon.

Pero nung dinala ako ni Kuya Ladz sa isang Bajau Village sa Tawi-Tawi, hindi ako makatawa. Parang taga-Tondo yung mga tao sa unang tingin. Parang any-any, may mananaksak sa ‘kin ng ice pick. E hindi pa nga ako nakaka-recover sa basag kong mukha, heto’t dinala naman ako ng guide ko sa isang masukal na lugar.

Kung gusto mong malaman kung ga’no s’ya kasukal, panoorin mo yung Thy Womb na pelikula ni Brillante Mendoza at pinagbidahan ni Nora Aunor. Pwede mo rin namang i-google na lang.

Punung-puno s’ya ng mga magkakatabing bahay na nakatayo sa tubig. Houses on stilts. Pero hindi ito katulad nung mga rooms na nasa El Nido. No! Sobrang layo. Hindi pristine ang tubig sa ilalim ng mga bahay. Maitim s’ya. Nagulat ako kasi sobrang linis ng tubig-dagat sa Tawi-Tawi, pero dun sa mismong parteng ‘yon ng lalawigan, sobrang itim. Bukod sa kulay n’yang nakakatakot, punung-puno rin s’ya ng basura.

Literal na dagat ng basura.

Masangsang din ang amoy ng paligid. Sa pagkakaalam ko kasi, dun na rin diretsong dumudumi at nagpaparaos sa dagat yung mga Bajau. Halu-halo na yung mga nakakadiring bagay sa tubig kung sa’n nakatirik yung mga bahay nila.

Bukod sa mabaho, marumi at nakakatakot yung lugar, nagkalat din yung mga batang paslit na madudungis at walang saplot sa katawan. Andaming nakahubo at nakalitaw yung mga patotoy at kepyas. Parang Garden of Eden sa impyerno, ganyan. Awang-awa talaga ako sa mga batang ‘yon. Pinagdamutan talaga ng langit at ng kung anong pwersa sa universe.

Grabe lang yung kahirapan.

Habang naglalakad dun sa main road ng village na yari rin sa pinagtagpi-tagping kahoy, hawak-hawak ko yung smartphone ko sa bulsa at bantay-sarado rin ako sa maliit kong bag na nakasukbit sa balikat ko. Para akong nasa Divisoria o sa Tondo. Ganun yung feeling. Yung may bigla na lang bang mandudukot o papatay sa ‘yo.

Kahit natatakot at kinakabahan, sunod pa rin ako kay Kuya Ladz. Dinala n’ya ‘ko sa bahay ng Bajau weaver na gumagawa ng banig. Hindi pa rin ako mapalagay kahit nasa loob na kami ng bahay. Kapag humahangin kasi, umuuga yung buong paligid, saka lahat ng tao pinagtitinginan ako.

Si Nanay Benita (o Kodhija), ang pinunong tagahabi ng mga banig, ang tumanggap sa ‘kin at nagpakita ng mga gawa nila. Makukulay yung gawa nilang banig at mukhang matibay naman. Yari s’ya sa dahon ng pandan na makikita sa tabing-dagat.

Hindi nga lang ako bumili dahil may kamahalan ang presyo at kulang ang dala kong pera. Nasa P2,000 to P2,500 ang isang rolyo ng banig na may disenyo. Sa totoo lang, gusto kong bilhin s’ya talaga kahit hindi ako masyadong nagagandahan sa dibuho o sa pattern. Mas gusto ko pa rin yung sa mga Igorot. Kaso gusto ko silang tulungan. Pandagdag kita ba. E kaso, yun nga, isang libo lang yung dala ko.

Kung hindi siguro ako nadisgrasya at nagpaospital, bibili ako ng isa.

Kahit hindi ako nakabili at kahit naabala ko sila, inalok pa rin ako ni Nanay Benita ng biskwit at kape. Masarap naman. Nagustuhan ko. Pagkahigop ko ng kape, dun na natunaw yung puso ko. Ang sama ng tingin ko sa lugar nila, pati sa mga nakatira dun, pero heto’t buhay na buhay ang malasakit nila sa ‘kin na isang dayo.

Iba talaga ang hospitality ng mga Pinoy. Damang-dama kahit sa kadulu-duluhan ng bansa.

Paglabas ko ng bahay ni Nanay Benita, hindi na ‘ko ganun katakot sa lugar. May konti pa ring kaba, pero siguro para na lang sa sarili ko dahil baka mahulog ako sa tagpi-tagpi at hiwahiwalay na daanan sa ibabaw ng dagat ng basura. Pinagtitinginan pa rin ako, pero hindi na ‘ko naiilang. Hindi na ‘ko takot sa mga tao. Mas takot na ‘ko sa kung anong buhay ang meron sila. Hindi ko maisip ang sarili kong lumalaki sa ganung paligid.