Habal-habal

by Sankage Steno

Maraming lugar sa Pilipinas ang mahirap marating o di kayang puntahan ng bus o kotse dahil lubak-lubak o makipot ang daan, kaya karaniwan na ang pagsakay sa habal-habal, lalo na sa mga lalawigan kung saan hindi kagandahan ang sistema ng transportasyon.

Kung di mo alam ang habal-habal, isa po s’yang motorsiklo o motorbike.

Una ko s’yang “naranasang” masakyan (syempre nakasakay na ‘ko noon pa sa motor) nung nasa Cebu ako. Sumakay kaming magkakaibigan sa habal-habal papuntang Taoist Temple. Sunod ko s’yang nasubukan sa Bukidnon nang umakyat kami ng bundok patungong Dahilayan Adventure Park. Ikatlo naman ay sa Davao nang maglibot kami roon ng mga katrabaho ko dati.

Nung nasa Zamboanga ako, nakapaghabal-habal ulit ako nang pumunta ako sa Abong-Abong Park. Si Kuya Jason ang driver ko. Binigay pa n’ya sa ‘kin ang numero n’ya para makontak ko s’ya ‘pag tapos na ‘kong maglibot. Hindi n’ya ‘ko tinaga sa presyo. Bente lang ang isang byahe, 40 ‘pag balikan. Binigyan ko s’ya ng P50, kasama na ang tip.

Sa Tawi-Tawi naman, habal-habal lang ang sinakyan ko buong araw papunta sa Bud Bongao, sa Almari Beach Resort, sa Bajau Village, sa Bolobok Cave, sa Chinese Pier at sa bayan. Si Kuya Ladz naman ang nagsilbi kong driver at tour guide. Ako na ang nagbayad ng gasolina n’ya para sa buong araw na pagsusuroy-suroy. Binigyan ko naman s’ya ng P500 bago kami maghiwalay bilang bayad sa pagtu-tour n’ya sa ‘kin.

Hindi komportableng sumakay ng habal-habal lalo na kung mainit, pero enjoy s’ya. Nung nasa Bukidnon kami, bilang bundok s’ya, malamig yung paligid at nahahalikan ko na yung ulap habang bumabyahe. Kahit tatlo kaming siksikan sa sasakyan at lubak-lubak pa yung daan (ang sakit sa puwet, pramis), nalibang pa rin ako.

Naalala ko tuloy yung sinabi ng isang biker sa isang episode ng HBO series noon na Six Feet Under. Para sa kanya, “Riding a bike is like flying without leaving the ground.”

Lalo kong naintindihan ‘yon nang sakay na ‘ko ng habal-habal sa Tawi-Tawi. Maganda ang mga kalsada sa Bongao at wala masyadong trapik, maliban na lamang kung may tumatawid na manok, kambing o aso. Yun nga lang, napakainit nung araw na nagpunta ako. Pero kahit mainit, mahangin naman. Sobrang sarap ng hanging sumasampal sa mukha ko, tapos tanaw ko pa sa gilid ng daan yung bughaw na dagat.

Hindi alam ni Kuya Ladz, nakataas yung dalawa kong kamay habang mabilis siyang nagmamaneho ng habal-habal. Ibang klase sa pakiramdam. Para talaga akong lumilipad nang hindi umaangat sa lupa.

Kanina, tinanong ko yung kaibigan kong Bisaya kung may ibig sabihin ba sa kanila yung salitang ‘habal-habal.’

“Meron,” sabi n’ya.

“Ano?” tanong ko.

“Sex.”

Akala ko nagbibiro lang s’ya. Totoo pala. Ginoogle ko pa talaga. Ang ibig sabihin nga ng ‘habal’ ay “copulate” o “engage in sexual intercourse.” Karaniwan daw nilang ginagamit yung term na ‘yon sa mga aso na ipinapa-breed nila o yung mga nagtatalik sa gitna ng kalsada. Oo nga naman. Para nga namang asong nagtatalik ang posisyon mo kapag nakiangkas ka sa motorsiklo.

Doggy style sex pala ang habal-habal, taragis ‘yan.